BATANGAS CITY (PIA) — Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Batangas ang Ordinance No. 31, s. 2023 o ang “Clean As You Go (CLAYGO) Ordinance” sa lahat ng pribadong etsablisimyento tulad ng restaurants, canteens, cafeteria, coffee shops, eateries, fast food chains sa Lungsod ng Batangas.
Layon nito na maisulong ang kulutra ng kalinisan, disiplina at pagiging responsable sa pangangalaga ng kapaligiran sa mga residente ng lungsod.
Ayon sa may akda ng ordinansa na si Konsehal Hamilton Blanco, napapanahon na upang masanay ang mga Batangueño na maging responsable at maging disiplinado sa lahat ng oras.
“Matagal nang ginagawa sa ibang bansa ang CLAYGO at positibo ang resulta nito sa personal well-being ng isang tao. Panahon na din upang ikintal natin sa isip ng mga kapwa Batangueño ang kahalagahan ng paglilinis upang makatulong sa problema ng basura na kinakaharap hindi lamang ng ating lungsod kundi maging sa iba’t-ibang lugar sa buong mundo,” ani Blanco.
Sakop ng ordinansang ito ang lahat ng restaurants, canteens, cafeteria, coffee shops, eateries, fast food chains at lahat ng establishments na mayroong-dine-in service .
Nakasaad sa naturang batas ang paghikayat sa publiko na itapon ang kanilang mga disposable na kubyertos, dinnerware, bags, at iba pang non-reusable items na ginamit sa pagkain at pag-inom sa angkop na garbage bins na nakalagay sa isang visible at accessible na lugar.
Maaaring humingi ng assistance ang mga nangangailangan sa mga staff ng mga business establishments.
Ang mga may-ari at namamahala naman ay inaatasan na maglagay ng CLAYGO signage, table stickers, at iba pang promotional materials na ilalagay sa mga lugar na madaling makikita ng mga customers.
Inaatasan din silang maglagay ng tatlong basurahan para sa mga nabubulok, di-nabubulok, at nareresiklo na mga basura.
Nakasaad rin sa ordinansa na dapat ay mayroon silang depository area kung saan ilalagay ng mga kliyente ang kanilang return trays at ginamit na non-disposable utensils gayundin ang mga basic cleaning materials sa depository area gaya ng tissue at washed clothes.
Hindi naman sakop ng ordinansa ang mga fine-dining restaurants at food establishments na nagbibigay ng full-service at high quality meal courses sa mga customer.
Magkakaroon ng regular na inspeksyon ang mga kawani ng Business Permits and Licensing Office (BPLO), Defense and Security Services (DSS), at City Health Office (CHO) upang masiguro na maipapatupad ng maayos ang nasabing ordinansa.
Ang mga establisimyento na mahuhuling lalabag sa mga probisyon ng ordinanasa ay maaring mabigyan ng reprimand para sa unang paglabag; reprimand at P2,000 para sa ikalawang paglabag at revocation of permit at halagang P5,000 para sa ikatlong paglabag. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas may ulat mula sa PIO Batangas City)