CABARROGUIS, Quirino – – Sabay-sabay na inilunsad ng Quirino Police Provincial Office (QPPO ang 15 COMELEC Gun Ban Checkpoints sa buong lalawigan kahapon sa pangunguna ni Police Colonel Paul Y. Gamido, provincial director.
Ito ay bahagi ng paghahanda para sa darating na 2025 National and Local Election (NLE).
Kasama rin sa paglulunsad ang COMELEC sa pamumuno ni Atty. Erwin M. Valerozo, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Quirino at Armed Forces of the Philippines sa pamumuno ni Maj. Esthephen Basco.
Personal na siniyasat ng grupo ang mga checkpoint areas upang masiguro ang maayos na pagpapatupad ng gun ban.
Pinaalalahanan ni Gamido ang publiko na mahaharap sa parusang isa hanggang anim na taong pagkakakulong ang sinumang mahuhulihan ng baril nang walang gun ban exemption o Certificate of Authority mula sa Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC).
“Ito ay alinsunod sa COMELEC Resolution No. 10918, na nagbabawal sa pagdadala ng baril at iba pang deadly weapons habang umiiral ang election period,” dagdag ni Gamido.
Ayon pa kay Gamido, mahalaga ang kooperasyon ng bawat isa upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang anumang kaguluhan.
“Mahigpit ang ating direktiba sa pagpapaigting ng malalimang intelligence-driven operations upang masiguro ang kaligtasan at kapayapaan sa ating nasasakupan lalo na ngayong election period,” ani Gamido.
Hinikayat din niya ang publiko na makiisa at sundin ang mga alituntunin para sa isang maayos, mapayapa, at ligtas na halalan.
Ang COMELEC Gun Ban ay magtatagal hanggang Hunyo 11, 2025. (OTB/TCB/PIA-2, QUIRINO)