Commitment signing at pagkilala sa programa, isinagawa ng DICT Region IV

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)- Matagumpay na isinagawa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region IVA at IVB  ang Ceremonial Signing of Commitment with Capacity Development Stakeholders na ginanap sa Mount Malarayat Golf and Country Club sa lungsod ng Lipa noong ika-12 ng Enero.

Sa mensahe ni Regional Director Cheryl Ortega, sinabi nito na mas hangad pa nila na makapagbigay pa ng mas maraming serbisyo at magkaroon ng mas maraming benepisaryo ang kanilang mga proyekto. Aniya pa, dapat maipagpatuloy din ang maganda at matatag na samahan sa pagitan ng kanilang ahensya at mga katuwang na stakeholders upang masiguro ang mas magandang serbisyo para sa mga kababayang Filipino.

Samantala, binigyang-diin ni DICT Assistant Secretary Maria Teresa Camba ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng DICT Region IV at mga stakeholders upang makapagkaloob ng ICT learnings at trabaho sa rehiyon.

Naging tampok sa programa ang pagkilala sa mga natatanging Tech4Ed Awardees kung saan tinanghal na Outstanding Tech4ED Center sa Calabarzon ang Imus City Public Library (1st place); Tech4ED Center sa Bacoor sa ikalawang pwesto at City Government of Binan Laguna sa ikatlong puwesto.

Hinirang naman sa Emerging Tech4ED Centers sa Calabarzon ang BJMP GMA Municipal Jail; BJMP Dasmarinas City Jail Female Dormitory at Ang Kariton Klasrum ni Katoto Mobile Tech4ED Center  bilang una,ikalawa at ikatlong puwesto.

Binigyan din ng pagkilala ang mga natatanging Tech4ED sa Mimaropa kabilang ang DepEd Aurelio Arago Memorial National High School; BJMP Mimaropa at Language Skills Insititute of Oriental Mindoro sa una, ikalawa at ikatlong puwesto habang ang BJMP Bansud District jail; DepED Francisco Ubay Memorial Elem. School at Porfirio Comia Memorial Elem School ang nagkamit ng una,ikalawa at ikatlong puwesto sa Emerging Tech4ED sa Mimaropa.

Isa pa sa naging tampok dito ang paglagda ng letter of intent ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, state universities and colleges at pribadong sector bilang pagtanggap sa patuloy na pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa DICT upang mas maraming mga programa at proyekto nito ang maipalaganap sa publiko. (MDC/PIA-BATANGAS)

In other News
Skip to content