Community food market sa Batangas, palalawigin pa ng pamahalaang panlalawigan

BATANGAS CITY (PIA) — Patuloy ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas sa pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda upang mailapit ang mga produkto sa mga mamimili sa pamamagitan ng community food market program nito.

Tampok sa community food market na inorganisa ng Batangas Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ang iba’t ibang mga produkto ng mga samahan ng mga magsasaka at mangingisda gayundin ng mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa lalawigan.

Pangunahing layunin ng programa na matulungan ang mga samahan ng magsasaka at mangingisda sa lalawigan na mapataas ang kanilang kita.

Ayon sa OPAg, simula Pebrero 2023, anim na beses nang nakapagsagawa ng community food market sa loob ng bisinidad ng pamahalaang panlalawigan na malugod namang tinangkilik ng mga kawani ng Kapitolyo at mga residente sa paligid nito. Aabot sa ₱712,000.00 ang kabuuang kita na naitala nito.

Sinabi ni Provincial Agriculturist Dr. Rodrigo Bautista na magpapatuloy ang food market upang mailapit ang palengke sa mga kababayan alinsabay ng pagtataguyod ng mga produktong Batangueño at mas makilala pa sa ibang parte ng mundo.

Nagpaabot din ito ng pasasalamat kay Gov. Hermilando “DoDo” Mandanas sa patuloy na pagsuporta  gayundin sa iba pang nakikibahagi sa programang ito.

Una nang inilunsad ang programa noong Mayo 2022 kung saan nakapagtala ng mahigit ₱1.8-milyon ang kinit anito. Dumami rin ang mga asosasyon ng mga magsasaka at mangingisda, kooperatiba at MSMEs ang nakilahok dito.

Ayon sa OPAg, ang mainit na pagtanggap ng mga mamimili at mataas na kita ay bunga rin ng Good Agricultural Practice (GAP) na siyang ginagamit na panuntunan ng tanggapan upang masiguro na de-kalidad, malinis, ligtas at maayos ang mga produktong itinitinda dito.

Sinabi naman ni Ian Recio, kinatawan mula sa Department of Trade and Industry (DTI) Batangas ang kahandaan ng kanilang ahensya upang mas mapaunlad ang Community Food Market sa pamamagitan ng programang One Town One Product (OTOP) Hub.

Nakatakdang magkaroon muli ng community food market sa kapitolyo sa darating na Hulyo 14 at 28, 2023. (BPDC, PIA BATANGAS)

In other News
Skip to content