Community volunteers, nanguna sa Opening and Evaluation ng RFQ

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Pinangunahan ng mga community volunteer (CV) mula sa Brgy. Lumangbayan, Abra de Ilog ang pagsasagawa ng Opening and Evaluation of the Request for Quotations (RFQ) bilang paghahanda para sa itatayong Level II Pump-Driven Water System sa kanilang komunidad.

Layunin ng gawain na masuri ng mga CV ang mga supplier at mapili mula sa mga ito ang may pinakababa at may kumpletong quotation na pagkukunan ng mga kinakailangang kagamitan para sa proyekto.

Ang pagtatasa ng mga RFQ ay ginawa sa ilalim ng paggabay ng Department of Social Welfare and Development Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (DSWD KALAHI-CIDSS) Program Mimaropa.

Ayon kay Engr. Villamor C. Racca, Jr. ng DSWD KALAHI-CIDSS, malaki ang epekto ng pangunguna ng mga CV sa mga gawaing may kaugnayan sa proseso ng procurement.

“Sa pamamagitan ng mga ganitong gawain, malalaman ng mga volunteer ‘yong Community-Based Procurement na pwedeng makatulong sa kanila kung sakaling may mga procurement-related activities sila na kailangang gawin in their future projects na magso-solve sa community problems nila,” paliwanag ni Racca.

Dagdag ni Racca, ang piniling sub-project ng mga CV para sa kanilang komunidad ay makatutulong na masolusyonan ang kakulangan sa pinagkukunan ng malinis at maiinom na tubig sa lugar dahil sa kanilang topograpiya.

Ang pagpapatayo ng water system sa lugar, o tinatawag na Construction of Level II Pump-Driven Water System sub-project, na nagkakahalaga ng P1,604,092.82 ay iginawad ng DSWD, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Abra de Ilog.

Ang DSWD KALAHI-CIDSS Program ay nakatuon sa pagsugpo ng kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng community-driven development approach, o pagbibigay ng kakayahan sa mga tao sa komunidad na makibahagi sa pagreresolba sa mga problema sa kanilang lugar. (DSG/PIA Mimaropa-OccMin)


Ginagabayan ng mga DSWD KALAHI CIDSS Area Coordinator ang mga volunteer sa mga hakbang na kailangan nilang gawin para sa kanilang napiling sub-project para sa kanilang komunidad alinsunod sa Community Development Procurement, kagaya ng pagbubukas at pagtatasa ng mga RFQ, katuwang ang lokal na pamahalaan upang masiguro ang pagtutulungan sa mga nabanggit na sektor (Larawan kuha ng DSWD KALAHI CIDSS Program Mimaropa)

In other News
Skip to content