Complete Value Chain, isinusulong ng PCC

KABACAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA)—Isinusulong ng Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao sa bayan ng Kabacan, Cotabato ang complete value chain na nakasaad sa Carabao Development Program.

Ito, ayon kay Benjamin John Basilio, ay upang tuloy-tuloy ang pakinabang na makukuha sa pag-aalaga ng kalabaw. Sa ilalim ng complete value chain, tinututukan ang production, processing, at marketing ng iba’t ibang produkto lalo na ng gatas na makukuha sa pagkakalabawan.

Ipinaliwanag ni Basilio na sa ilalim ng production stage, itinatatag ang mga family module, institutional herd, asosasyon, at mga kooperatiba kung saan ipinagkakatiwala ang mga kalabaw. Sa ilalim din ng production stage ay isinasagawa ang mga pagsasanay tulad ng pagturo sa mga benepisyaryo ng tamang pangangalaga ng mga kalabaw. Maliban naman sa mga kalabaw, ipinagkakaloob din sa mga benepisyaryo ang iba pang production inputs tulad ng forage materials at iba pang supplies pagdating sa pagkakalabawan.

Sa processing stage naman ipinagkakaloob ang mga processing plant and equipment at ang produksyon ng mga dekalidad na produkto. Kabilang sa mga produktong gatas na madalas pinoproseso ay ang fresh milk, choco milk, ice cream, kesong puti, yogurt, pastillas, at marami pang iba.

Sa marketing stage naman isinasagawa ang pagtatayo ng mga marketing outlet o dairy box at pagsasagawa ng iba’t ibang marketing activity.

Sa Rehiyon Dose, ang dairy boxes ay matatagpuan sa mga bayan ng President Roxas sa lalawigan ng Cotabato, Surallah sa South Cotabato, at Maitum sa Sarangani. Nagpapatuloy din ang konstruksyon ng dairy box sa bayan ng Tupi sa South Cotabato.

Hinihikayat naman ni Basilio ang publiko na bisitahin ang mga dairy box at tangkilikin ang mga produktong gatas.

Binigyang-diin niya na ang pagtangkilik sa mga produktong gatas ay bilang pagtulong na din sa mga dairy farmer at worker at bilang pagsusulong ng maayos na nutrisyon para sa mamamayan.

In other News
Skip to content