Corrida de Cavalos, isinagawa sa Lungsod ng Calaca

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Muling isinagawa ang Corrida de Cavalos sa lungsod ng Calaca matapos ang tatlong taong hindi nakapagsagawa nito dahilan sa pandemyang dulot ng COVID 19 sa Brgy. Dacanlao noong ika-5 ng Abril.

Sa panayam kay Calaca City Mayor Sofronio Nas Ona, sinabi nito na ang naturang aktibidad ay isang repackaged ng datihang tradisyon na kilala bilang Carrera de Paso.

“Ang aktibidad na ito ay tinawag ngayong Corrida de Cavalos en Ciudad de Calaca na mas kilala dati sa tawag na Carrera de Paso ngunit napansin namin na madami na ang gumaya sa naturang aktibidad kaya’t minarapat naming na ayusin ang pangalan nito. Pumasa na ito sa Sangguniang Panglunsod at naritipikan na dahil ito ay isang institusyon na at kaugalian dito sa Calaca,” ani Ona.

Aniya, noong unang panahon ay walang ibang uri ng transportasyon sa kanilang lugar kung hindi ang pagsakay sa kabayo at nakaugalian na tuwing Miyerkules Santo ang mga tao mula sa iba’t ibang lugar hindi lamang sa Batangas kundi maging sa mga kalapit lalawigan ng Cavite at Laguna ay pumupunta sa Calaca upang magsimba tuwing Miyerkules sa San Rafael de Archangel Parish. Matapos ang pagsimba ay nagpapagalingan ang mga ito sa pagsakay sa kabayo.

Ayon pa kay Ona, noong 2004 ay binuhay nilang muli ang tradisyon at nagtuloy-tuloy na ito at kakaiba sa taong ito dahil nasabik ang mga tao matapos ang tatlong taon na hindi ito nasaksihan. Dati-rati ay nasa 38 na kabayo lamang ang sumasali ngunit ngayon ay umabot sa 86 na mula sa ibang mga lugar.

Ipinagmalaki din ng punong lungsod na ang tradisyong ito ay walang sugal dahil mahigpit sila sa registration at walang anumang fee na binayaran ang mga lumahok. 

Ang lalawigan ng Batangas ay kilala sa pagkakaroon ng maraming kabayo at ito ay isang simbolo ng nobility, lakas at stability at maraming mga breeders ang matatagpuan dito. Karamihan sa mga kabayong ginagamit dito ay yaong mga standard bred na kabayo.

Dagdag pa ni Ona, na sa taong ito, naglaan sila ng budget sa City Agricultures Office upang makabili ng mga kabayo na maaaring ibigay sa mga barangay upang padamihin at kalaunan ay makilala ang lungsod bilang Horse Capital of the Philippines.

Nakikita din ang pagtaas ng turismo sa naturang siyudad kaugnay ng mga ganitong aktibidad kaya’t tuloy tuloy itong isusulong at bubuhayin ng lungsod dahil mahusay din itong alternatibong kabuhayan ng mga Calaqueno. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)

In other News
Skip to content