Cultural immersion ng mga turista sa IP communities pagyayamanin ng San Jose

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Pinaplano ng Pamahalaang Lokal ng San Jose na isama sa kanilang tourism package ang mas malalim na cultural immersion o pagpaparanas sa kultura ng mga Indigenous Peoples (IPs) sa bayang ito.

Sinabi ni Angelo Cordero, History Researcher ng Municipal Tourism Office, na sadyang kalakip ang kultura ng mga katutubong Mangyan sa iniaalok ng San Jose sa mga bumibisita rito.

Ayon sa kanya, dalawang pamayanan ang nagpapakita sa mga turista ng kanilang musika, sayaw, instrumento, galing sa paghabi at pagsulat.

“Makulay ang kultura ng ating mga katutubo partikular ang mga Hanunuo sa Barangay (Brgy.) Naibuan, at mga Buhid sa Sitio Bato-ili, Brgy. Monteclaro,” saad ni Cordero.

Sinabi pa Cordero na kabilang sa ipinagmamalaki ng mga katutubo ang pagtugtog ng kanilang mga instrumento. Kalakip dito ang “Gitgit,” isang gitara na yari sa buhok, ang tawag sa instrumento ng Hanunuo.”

Kalutang naman ang gamit ng mga Buhid-Mangyan, na ayon kay Cordero, ay pinatutunog kasabay ng pagsasayaw ng mga katutubo. Nakabase ang kanilang pag-indak sa tunog ng kalutang, saad pa ni Cordero.

Dagdag pa ng Mananaliksik, bagama’t ang pagsayaw ay ginagawa sa sagradong lugar ng mga katutubo, pinapayagan ng mga ito na makisayaw sa kanila ang mga turista.

Sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas noong Hulyo 9 tampok ang Department of Tourism MIMAROPA, sinabi ni Regional Director Roberto Alabado III na kabilang ang “experiential tourism” sa hinahanap ng mga turista at nakita niyang malaki ang potensyal dito ng bayan ng San Jose.

Binanggit ng opisyal na namalas niya mismo kung paano isulat ang kanyang pangalan gamit ang Surat Mangyan, ang sinaunang alpabeto ng mga Mangyan, kasabay ng pagbigkas ng ambahan o ang patulang pagkukuwento ng mga katutubo.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni Cordero na iminungkahi ng mga turista na mainam kung mas matagal silang mananatili sa pamayanan ng mga Mangyan.

Ayon sa kanya, pinag-aaralan pa ito ng pamahalaang lokal lalo at kailangan munang tiyakin na may maayos na akomodasyon para sa mga turista, at walang negatibong epekto sa kultura ng mga katutubo ang mas matagal na pagtigil sa kanilang pamayanan.

Idinagdag din ni Cordero na maliban sa espesyal na karanasan hatid ng kultura ng mga katutubo, hindi rin pahuhuli ang mga magagandang tourism destination ng San Jose, kabilang na ang Devils Mountain na matatagpuan sa barangay Monteclaro, malapit sa pamayanan ng mga Buhid Mangyan. (VND/PIA MIMAROPA–Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content