DA-BFAR namahagi ng ₱4.95M livelihood aid sa Pag-asa Island

PAG-ASA ISLAND, KALAYAAN, Palawan (PIA) — Namahagi ng tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng ₱4.95 milyon ang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) sa mga residente at mangingisda sa Isla ng Pag-asa sa bayan ng Kalayaan kahapon, Hunyo 15.

Ito ay sa pamamagitan ng DA-BFAR Layag-Kabuhayan sa Pag-Asa Island sa Araw ng Kalayaan: Distribution of fisheries livelihood support inputs.

Ang pamamahagi nito ay pinangunahan ni DA-BFAR National Director Atty. Demosthenes R. Escoto katuwang ang mga kinatawan ng DA-BFAR mula sa Mimaropa Region at Palawan Provincial Office.

Ang nasabing tulong pangkabuhayan na ay kinapapalooban ng 10 Fiberglass Reinforced Plastic (FRP) boats na may kasamang generator sets at iba’t-ibang kagamitang pangisda.

Sa mensahe ni Escoto, sinabi niya na ang paglalayag ng DA-BFAR ay upang maghatid ng suportang pangkabuhayan para sa mga residente at mangingisda ng Pag-Asa Island sa tagubilin na rin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na paigtingin ang pagbibigay suporta sa mga mangingisda, maging sa malalayong baybaying komunidad.


Ipinapahayag ni DA-BFAR National Director Atty. Demosthenes R. Escoto ang kahalagahan ng paglalayag at pagbibigay ng serbisyo sa mga residente ng Isla ng Kalayaan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Ang Kalayaan Farmers and Fisherfolks Association at ang Spratlys Strong and Brave Women Association ang pangunahing benepisyaryo ng nasabing tulong pangkabuhayan.

Ayon pa kay Escoto, sa mahabang panahon, ang karagatan na nakapalibot sa bansa ay ang pinagmumulan ng pagkain at pangkabuhayan ng libo-libong mga mangingisda at ng komunidad na nakapaligid dito.

Pinuri rin nito ang mga mangingisda sa kanilang katapangan sa paghahanapbuhay.

Araw-araw matapang na sinusuong ng mga kalalakihan at kababaihan ang mga alon, pumapalaot sa malayo at malawak na karagatan upang likas-kayang linangin ang ating yamang dagat, kung kaya’t isang napakahalaang inisyatiba ang pagpapalawig ng ating serbisyo sa ating mga mangingisdang naka-base sa West Philippine Sea. Isang karangalan para sa amin sa Kawanihan ng Pangisdaan at Yamang Tubig na malayang padaluyin sa inyo ang mga suporta ng ating pamahalaan. Higit lalo na ang West Philippine Sea bilang mahahalagang bahagi ng ating katubigan ay kanlungan ng likas na yaman, may kakayahang tugunan ang kasiguruhan ng pagkain para sa buong bansa,” pahayag ni Escoto. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)


Ilan lamang ang sampung Fiberglass Reinforced Plastic (FRP) boats na may kasamang generator sets ang ipinamahaging tulong pangkabuhayan ng DA-BFAR sa Pag-asa Island. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

In other News
Skip to content