PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Namahagi ng Certificate of Land Ownership Awards (CLOA) o titulo ng lupa ang Department of Agrarian Reform (DAR)-Mimaropa katuwang ang DAR-Palawan.
Ayon kay DAR-Mimaropa Regional Director Atty. Marvin V. Bernal, nasa 502 titulo ng lupa ang inihanda ng DAR na ipamahagi. Ang mga ARBs na ito ay mula sa bayan ng Aborlan at Roxas.
Ang nasabing bilang ng mga ARBs na tumanggap ng titulo ngayong Hulyo 7, 2023 ay bahagi lamang ng mahigit 2,000 ARBs sa Palawan mula sa iba’t-ibang munisipyo.
Pinangunahan nina Regional Director Atty. Bernal, DAR-Palawan Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO)-II Conrado S. Guevarra at Register of Deeds Atty. Mariccar O. Misa-Tan ang pamamahagi ng titulo ng lupa sa mga ARBs pagkatapos malagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang New Agrarian Emancipation Law sa Malacaňang Palace.
Masayang iwinawagayway ng Agrarian Reform Benificiaries (ARBs) mula sa bayan ng aborlan at Roxas ang kopya ng titulong ipinamahagi sa kanila ng Department of Agrarian Reform (DAR). (Larawan ni Orlan C, Jabagat/PIA-Palawan)
Ayon kay Guevarra, makasaysayan ang araw na ito para sa lahat, sapagkat ang araw na ito ay simbolo ng paglaya ng mga magsasaka sa tanikala ng kanilang pagkakautang sa Land Bank of the Philippines, “Ito po ang araw ng paglaya natin sa ating pagkakautang, sana po ay patuloy nating sinupin at pagyamanin ang lupang ibinigay sa atin ng ating pamahalaan, at maging ehemplo po tayo sa ating kapwa magsasaka upang lubos po nating mapaunlad ang ating kabuhayan at maging bahagi po tayo ng ating minimithing kasaganaan sa ating kanayunan,” ani Guevarra.
Ipinakita ni Romeo Sumido, isang Agrarian Reform Beneficiary mula sa Bgy. Dumarao, Roxas, Palawan ang natanggap nitong titulo ng lupa mula sa DAR at nagpapasalamat ito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa bagong batas na nilagdaan nito para sa mga ARB. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)
Nakatakda namang ipamahagi ang natitira pang mga CLOA para sa mga ARB sa Palawan bago matapos ang taong 2023 ayon kay Atty. Bernal kung saan nais ng DAR na imbitahan ang Pangulong Marcos para sa aktibidad na ito.
Ang Palawan ang nagrepresenta sa buong rehiyong Mimaropa sa isinagawang sabayang pamamahagi ng titulo ng lupa sa buong bansa.
Samantala, malaki naman ang pasasalamat ni Romeo Sumido, isang ARB mula sa Barangay Dumarao sa Roxas sa titulong kaniyang natanggap.
“Nagpapasalamat ako sa ating Pangulong Bongbong Marcos sa pagpirma nito sa batas na magbibigay kaginhawaan sa aming magsasaka. Hindi na kami magkakaroon ng problema sa pambayad sa lupa sa bagong batas na ito. Ang gagastusin na lamang namin ay ang pagpapayaman ng aming lupain,” pahayag ni Sumido. (OCJ/PIA-MIMAROPA – Palawan)