DAR, Naujan LGU nagpulong para sa proyektong Agrarian Reform Community

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nagpulong kamakailan sina Department of Agrarian Reform (DAR)–Oriental Mindoro Provincial Office, Officer-in-Charge, Provincial Agrarian Reform Program Officer II (PARPO) Engr. Rogelio Madarcos at Naujan Mayor Henry Joel Teves kasama ang kanilang mga kawani upang talakayin at tukuyin ang mga posibilidad na benepisyaryo ng proyektong Agrarian Reform Community na isinagawa sa Naujan Municipal Hall.

Pinag-usapan dito ang mga pangunahing proyekto ng DAR na ipagkakaloob sa naturang LGU tulad ng mga Tulay ng Pangulo, farm-to-market roads at irrigation canal. Ayon sa DAR ang dapat na tumanggap ng proyekto ay kabilang sa isang Agrarian Reform Community (ARC) habang ang magiging benepisyaryo naman ay kasapi ng Agrarian Reform Beneficiary Organization (ARBP).

Sa kasalukuyan, ang proyektong Tulay ng Pangulo ay masusi pang pinag-aaralan ng DAR na siyang itatayo sa mga barangay na mas higit na nangangailangan gaya ng sampung barangay sa Naujan na sakop ng ikawalong distrito; ang Caburo, Banuton, San Nicolas, Gen. Esco, Inarawan, San Luis, Mahabang Parang, Malvar, Tagumpay at San Andres.

Matatandaan na ang mga lugar ay lubhang naapektuhan ng nagdaang kalamidad tulad ng baha na ayon sa mga kapitan ng barangay ang siyang nakasira sa mga pananim at ilang proyektong imprastraktura at pagkaantala ng paghahatid ng mga kalakal sa naturang bayan. (DN/PIA MIMAROPA)

Larawan at detalyte sa itaas mula sa Naujan-PIO

In other News
Skip to content