DAYUHANG BIKTIMA NG LOVE SCAM, STRANDED, TINULUNGAN NG MGA PULIS

Bilang tugon sa adbokasiya ng administrasyon ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. na itaguyod ang isang maka-tao at may malasakit na pamahalaan, muling ipinamalas ng Philippine National Police (PNP) ang tunay na diwa ng public service sa pagtulong sa isang banyagang turista na nabiktima ng love scam sa Davao International Airport.

Noong April 11, 2025, bandang 7:45 ng umaga, isang 62-anyos na Canadian citizen ang napansing paikot-ikot sa loob at labas ng Passenger Airport Terminal Building, halatang naguguluhan at balisa. Agad itong ini-report ng ilang empleyado ng paliparan kay Police Executive Master Sergeant (PEMS) Donalyn T. Doromal ng Davao International Airport Police Station (DIAPS), na walang atubiling nilapitan ang dayuhan.

Sa mabilisang pag-uusap, ibinahagi ng foreigner na bumiyahe siya pa-Davao para makipagkita sa kanyang “girlfriend.” Subalit, ayon sa kanya, ito’y panlilinlang lamang—hinihingian siya ng pera ng babae at nang makuha ito ay hindi na muling nagpakita. Naubos na ang kanyang pera at wala nang pambili ng ticket pabalik.

Hindi nagdalawang-isip si PEMS Doromal. Sa pamamagitan ng tulong-tulong na inisyatibo ng lahat ng naka-duty na DIAPS personnel, nakalikom sila ng voluntary contribution. Ang nasabing halaga ay ginamit para makabili ng plane ticket para sa Canadian national, na kalauna’y nakasakay sa Philippine Airlines flight PR 1806 patungong Maynila.

Lubos ang pasasalamat ng banyaga sa kabaitan ng mga pulis.

Sa pahayag ni Chief PNP, PGen Rommel Francisco D. Marbil, kanyang pinuri ang kabayanihang ipinamalas ng DIAPS personnel:

“Ang ating mga pulis ay hindi lang tagapagpatupad ng batas, kundi mga tagapagtaguyod din ng malasakit. Ang ginawa ng ating DIAPS personnel ay sumasalamin sa tunay na puso ng PNP. Nandito tayo para maglingkod at magprotekta—may puso, may malasakit, at makatao.”

Muling pinagtitibay ng PNP ang kanilang panata sa taos-pusong serbisyo publiko—para sa lahat, mapa-Pilipino man o banyaga. Isa itong patunay na sa panahon ng pangangailangan, andiyan ang kapulisan na handang tumulong nang walang hinihintay na kapalit.

(PNP-PIO)

In other News
Skip to content