DBM Sec Mina Pangandaman, pinasalamatan si PBBM sa pag-apruba ng pagbibigay ng SRI sa LAHAT ng kawani ng gobyerno; sinabing makatatanggap ang mga public school teacher, Military at Uniformed personnel ng 20K SRI

MANILA — Pinuri ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paglagda ng Administrative Order (AO) No. 27 na nagpapahintulot sa pagrelease ng Service Recognition Incentive (SRI) para sa lahat ng kawani ng gobyerno para sa fiscal year (FY) 2024.

“Nagpapasalamat po tayo kay Pangulong Bongbong Marcos sa pag-apruba ng kautusan na magbibigay ng SRI sa lahat ng ating mga lingkod bayan. Sigurado po ako, maituturing itong maagang pamasko ng ating mga kawani at kanilang pamilya lalo’t paparating na ang holiday season,” pahayag ni DBM Sec. Mina.

“First time in history makukuha po ng ating mga guro sa DepEd nang buo ang kanilang SRI. Mula P15,000 noong 2022 at P18,000 noong 2023, magiging P20,000 na po ito ngayong 2024. Kaisa po tayo ng Pangulo sa pagkilala sa hirap at sakripisyo ng ating mga guro na tumatayong pangalawang magulang sa ating mga kabataan,” dagdag ni Sec Mina.

“May magandang balita rin po tayo sa ating kapulisan. Kung noong 2023 ay P12,500 lang ang na-receive na SRI ng ating mga PNP employees, ngayong 2024 ay P20,000 na po ang matatanggap nila,” ani Sec Mina.

“Nireport din po sa akin na pati ang ating mga kasundaluhan sa AFP, pati na rin po ang mga nasa BJMP, Bureau of Fire Protection, BuCor, Philippine Coast Guard at NAMRIA ay matatanggap ng buo ang kanilang SRI. Ibig sabihin, P20,000 po ang makukuha ng ating mga Military and Uniformed Personnel this 2024. Malaking tulong at boost po ‘yan sa kanilang morale,” dagdag pa ni Sec. Mina.

Ayon sa nilagdaang AO, ipagkakaloob ang one-time SRI sa lahat ng kwalipikadong empleyado ng gobyerno sa pare-parehong halaga na HINDI lalampas sa P20,000.

Gayunpaman, ang pondo para sa pagbibigay ng SRI ay nakadepende sa available allotment ng ahensya, na siyang magpapasya sa halaga ng SRI na kanilang ipagkakaloob sa kanilang mga empleyado para sa 2024.

Ang SRI ay isang insentibo na ibinibigay sa mga kawani ng gobyerno bilang pagkikilala sa kanilang ‘di natitinag na pangako at dedikasyon sa patuloy na pagbibigay ng epektibo at episyenteng serbisyo publiko sa kabila ng mga hamon mula sa iba’t ibang domestic at external factors.

Saklaw nito ang lahat ng civilian personnel sa national government agencies, kabilang ang mga nasa state universities and colleges (SUCs), at mga Government-Owned and Controlled Corporations, nasa regular, contractual, o casual na posisyon; militar at uniformed personnel; mga empleyado sa legislative at judicial departments at iba pang opisina na may fiscal autonomy; at mga empleyado sa local government units at local water districts.

Ang incentive ay ibibigay sa mga nakakumpleto ng apat (4) na buwang satisfactory government service hanggang Nobyembre 30, 2024, at patuloy na nagsisilbi sa gobyerno. Samantala, ang mga may mas mababa sa 4 na buwang satisfactory service hanggang sa parehong petsa ay makatatanggap ng pro-rated share ng incentive.

Ipagkakaloob ang FY 2024 SRI nang hindi mas maaga sa December 15, 2024.  (DBM)

In other News
Skip to content