Makikitang naglalaro ang dalawang estudyanteng may kapansanan sa pandinig sa pinag-ibayong disenyo ng paglalaro ng tic-tac-toe gamit ang mga bola na may marka sa ibabaw. Isinagawa ang nasabing paligsahan kasabay ng pagdiriwang ng Deaf Awareness Week na ginanap sa Gabaldon Hall ng Oriental Mindoro National high School (OMNHS) sa lungsod ng Calapan kamakailan. (Kuhang larawan ni Dennis Nebrejo/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Ipinagdiriwang ngayong linggo ang Deaf Awareness Week Celebration na pinangunahan ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod ng Calapan at sa pakikiisa ng Special Needs Education Department ng Oriental Mindoro National High School (OMNHS) na ginanap sa Gabaldon Hall ng nasabing paaralan noong Nobyembre 22.
Sa mensahe ni PDAO Head Benjamin Agua, Jr., sinabi nito na “Pinapahalagahan ng pamahalaan ang mga may kapansanan partikular sa paningin, pandinig at pananalita dahil sa kabila ng kanilang kalagayan ay marami rin silang maAaring magawa na hindi kaya ng isang normal na tao at bahagi rin sila ng lipunan.”
Sumuporta rin ang ilang mga opisyales ng Persons with Disability Calapan City Federation (PWDCCF) kabilang ang pangulo na si John Vargas upang saksihan ang aktibidad ng nasa humigit-kumulang 20 batang mag-aaral ng OMNHS na may kapansanan.
Sa nasabing aktibidad ay nakipagtagisan ng talino sa paglalaro ang mga estudyante sa tinatawag na modified tic-tac-toe na sinalihan ng mga deaf-mute at may kapansanan sa paningin.
Samantala, pinangangasiwaan ni Michael Montales ng Special Needs Education Department ng OMNHS ang mga estudyante na hindi o mahina ang pandinig habang si Jhoemarck Rabida naman ang nagtuturo at may tungkulin sa mga batang hindi nakakakita. (DN/PIA Minaropa – Oriental Mindoro)