PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Nabayaran na ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang deposit insurance ng mga nag impok sa nagsarang Rural Bank of Cuyo.
Ayon sa news release ng PDIC, ang insurance claims ng mga depositor ng Rural Bank of Cuyo ay nakasama na sa kabuuang P281.5 milyong nabayaran noong 2024.
Ang nasabing halaga ay kabuuhan ng deposit insurance claims ng tatlong bangkong nagsara, ang Rural Bank of Cuyo (Palawan), Inc., Cooperative Bank of Bohol, at Community Rural Bank of Medellin (Cebu), Inc. na sa ngayon ay nasa ilalim ng likidasyon ng PDIC.
Matandaan na ang Rural Bank of Cuyo (Palawan), Inc. ay pinagbawalang magsagawa ng business transaction ng Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa pamamagitan ng MB Resolution No. 631 na may petsang Hunyo 6, 2024 at na-take over ito ng PDIC noong Hunyo 10.
Noong Agosto 30, 2024, itinakda ng PDIC ang huling araw ng pagsusumite ng deposit insurance claim ng mga depositor ng nagsarang bangko sa Cuyo, Palawan at lahat ng ito ay nabayaran na ayon sa PDIC.
Ayon sa PDIC, umabot sa 7,482 deposit account o 81 porsiyento ng kabuuang 9,231 account ng tatlong nagsarang bangko noong 2024 ang nabayarang deposit insurance claims.
Sinabi pa ng PDIC na ang mga claims para sa mga account na ito ay nabayaran sa loob ng turnaround time (TAT) na itinakda para sa 2024.
Gaya ng itinatadhana ng PDIC Charter o ang Republic Act No. 3591, as amended, ang mga depositor ng mga nagsarang bangko ay may dalawang taon upang ihain ang kanilang mga deposit insurance claim mula sa petsa ng pag-take over ng PDIC sa bangko.
Ang PDIC ay patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ng deposit insurance claims mula sa mga depositor ng nagsarang mga bangko sa pamamagitan ng e-mail, postal mail at courier service. Ang mga depositor ay maaari ring personal na maghain ng kanilang mga claim sa PDIC Public Assistance Center sa Makati City. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan/May kasamang ulat mula sa PDIC)