DICT mas pinaigting ang cybersecurity awareness ng mga ahensya ng gobyerno sa Bicol

LUNGSOD NG LEGAZPI, Albay (PIA) – Upang lalo pang maprotektahan mula sa cyber-attacks ang mga ahensya ng gobyerno sa Rehiyong Bicol, pinangunahan ng Department of Information and Communications Techonology (DICT) katuwang ang National Computer Emergency Response Team (CERT-PH) ang CERT Security Essential Training nitong ika-20 ng Setyembre 2023, dito.

Umabot sa 63 information technology professionals at security practitioners mula sa ahensya ng gobyerno, akademya at lokal na pamahalaan ang dumalo sa pagsasanay.

Ayon kay Whichel Ann Villagomez, Information Officer ng Cybersecurity Bureau, nakapagtala ang DICT ng 1,129 cyber incidents ngayong taon.

Dinaluhan ng information technology professionals at security practitioners mula sa mga ahensya ng gobyerno, akademya at lokal na pamahalaan ang CERT Security Essential Training nitong ika-20 ng Setyembre 2023 sa Lungsod ng Legazpi. (Larawan ni Jomar R. Secillano)

Sinabi ni Villagomez na mula sa mga ito ang pinaka-apektadong sektor ay ang Government and Emergency na may 682 insidente, sinundan ito ng Academe na may 187 at ng Telecommunications na may 86.

Dagdag pa niya, karaniwang insidente ay dahil sa mga malware, malicious files at data exfiltration o data leaks.

Ayon kay Villagomez, ang aktibidad ay naglayong maipaalam sa mga kalahok ang mga serbisyo ng CERT-PH at ang paraan kung papaano mag-ulat ng insidente ng hacking at mga banta sa cybersecurity ng mga ahensya.

“Para matulungan natin sila na kung papaano nila maprotektahan ang kanilang assets,” ani Villagomez.

Layunin ng pagsasanay na mapalawak at magkaroon pa ng mas malalim na kaalaman tungkol sa cybersecurity awareness ang mga kalahok at mas lalo pang pagtibayin ang kanilang mga kakayahan sa pag-iwas at pagprotekta sa anumang cyber-attacks. (PIA5/DDC/JRS)

In other News
Skip to content