LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Upang maagap na makapag-update ng pinakabagong detalye hinggil sa estado ng pagkalat ng oil spill sa mga apektadong mga bayan sa lalawigan ng Oriental Mindoro, nagkaloob ang Department of Information and Communication Technology (DICT) MIMAROPA sa pamamagitan ng DICT Oriental Mindoro Field Office ng internet connection sa Incident Command Post (ICP) na matatagpuan sa lumang Municipal Health Office ng Pola, Oriental Mindoro.
Sa pamamagitan nito ay mabilis na makatatanggap at makapaglalabas ng impormasyon ang mga kawani na naka istasyon sa ICP sa mga punong ehekutibo at iba’t-ibang mga pinuno ng mga ahensiya upang makapagsagawa nang naaayon at napapanahon na desisyon sa paglaban sa banta ng oil spill.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ng mga kawani ng Oriental Mindoro Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa naging tulong ng DICT sa pagtatayo ng maaasahang koneksyon sa ICP. (JJGS/PIA MIMAROPA)
Larawan mula DICT-Mimaropa