Digital learning materials ng DOST SuperSTARBOOKS, inihatid sa Maabud NHS

SAN NICOLAS, Batangas (PIA) – Abot kamay na ng mga mag-aaral ng Maabud National High School (NHS) ang daang libong impormasyon tungkol sa agham at teknolohiya, sa pagdating ng SuperSTARBOOKS ng Department of Science and Technology (DOST) noong Enero 13.

Naglalaman ng Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosk Station, o mas kilalang SuperSTARBOOKS, ng digitized science and technology resources na maaaring gamitin ng mga mag-aaral.

Bukod sa mga libro, mayroon rin itong digitized na bersyon ng mga magasin, journal, science at research paper, kung saan makakahanap ang mga mag-aaral at guro ng mga learning material tungkols sa paghahanda sa mga sakina, interactive courseware, at iba’t ibang K-12 supplement materials.

Naglalaman rin ng updated na STARBOOKS ng mga video material tungkol sa iba’t ibang pangkabuhayan mula sa dating Technology Resource Center, mga profile ng siyentista, mga publikasyon ng DOST, Science:Cool Facts, mahahalagang petsa sa kasaysayan ng agham sa Pilipinas, at mga bagong artikulo ukol sa siyensya.

Ayon sa DOST CALABARZON, angkop ang STARBOOKS sa mga paaralan dahil maaari itong gamitin kahit walang koneksyon sa internet.

Bilang bahagi ng programa sa pagbibigay ng STARBOOKS, isang training-orientation ang isinagawa sa pangunguna nina Renalee M. Leyesa at Cedric L. Rodriguez ng DOST-Batangas para sa tatlumpu’t anim (36) na mag-aaral at siyam (9) na guro.

Labis naman ang pasasalamat ni Dr. Melani L. Higuit, punong-guro ng Maabud NHS sa tulong na ibinigay ng DOST upang maging mas interactive ang mga leksyon para sa mga guro at mag-aaral.

“Kami po ay napakapalad dahil kami po ay napili ng DOST na mabigyan ng SuperSTARBOOKS na magiging napakalaking tulong po sa aming mga mag-aaral gayundin sa aming mga guro. Kaya naman, taos-puso po ang aming pasasalamat sa DOST,” ani Higuit.

Sa kasalukuyan ay mayroong 6,369 STARBOOKS sites sa buong bansa, at 351 sa mga ito ay matatagpuan sa Calabarzon, habang 59 naman ang nasa Batangas. (PB/DOST-CALABARZON)

In other News
Skip to content