Digital Mammogram, dumating na sa OccMin


Ang kauna-unahang Digital Mammogram sa lalawigan, tinatayang P19 milyon ang halaga, ay mula sa pondo ng Gender and Development (GAD) Program ng probinsya. Ang mga larawan ay mula sa San Sebastian District Hospital.

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Dumating kamakailan sa San Sebastian District Hospital ng Sablayan ang kauna-unahang Digital Mammogram sa probinsya.

Sinabi ni Dr. Romualdo Salazar, isang siruhano at tagapamahala ng nabanggit na pagamutan, na ang nasabing mammogram ay gumagamit ng makabagong teknolohiya at malaking tulong sa pagtukoy ng breast cancer.

“Ang breast cancer ay isa sa mga nangungunang uri ng kanser sa kababaihan at malaki ang maitutulong ng maagang detection upang ito ay malunasan,” ayon kay Salazar.

Sa kasalukuyan ay 20 pasyente niya ang may breast cancer na nakatira sa Sablayan, at maaaring higit pa rito ang bilang ng may ganitong karamdaman kung datos ng buong probinsya ang pagbabatayan.

“Ang mga babaeng edad 40 pataas ay dapat taon-taon nagpapa-mammogram,” saad ng siruhano lalo na aniya ang mga may kapamilya o kaanak na nagkaroon na ng nasabing sakit.

Tiniyak ni Salazar na sakaling ginagamit na ang Digital Mammogram sa Sablayan, bukas ito sa lahat ng residente ng probinsya na nais magpatingin. Aniya, malaking katipiran sa mga magpapa-konsulta na mayroong ganitong aparato sa lalawigan dahil hindi na nila kailangang dumayo pa sa ibang lugar. “Maganda nga na ang digital mammogram ay inilagay sa Sablayan, na pinakasentrong bayan sa Occ Mdo,” ayon pa sa manggagamot.

Kaugnay nito, ibinahagi rin ni Salazar ang isa pang paborableng feature o katangian ng digital mammogram. Aniya, bukod sa makatitipid sa gastos ang mga kailangang magpa-mammogram, hindi gaanong masasaktan dito ang sasalang na pasyente kumpara sa mga naunang lumabas na analog type.

Samantala, nabanggit naman sa social media ng Pamahalaang Panlalawigan, na kabilang sa plano ng Provincial Health Office (PHO) na maglagay din ng parehong pasilidad sa mga pangunahing pampublikong pagamutan ng San Jose at Mamburao. (VND/PIA Mimaropa-OccMin)

In other News
Skip to content