No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

1,100 family food packs ng DSWD, dumating na sa Batanes bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Egay

TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - -Bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Egay ay nagpadala na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng family food packs (FFPs) sa islang lalawigan ng Batanes noong Hulyo 20 at Hulyo 22 base sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Nagtulong-tulong ang mga personnel ng Batanes Police Provincial Office, Philippine Coast Guard, Phillipine Marines, Philippine Navy at Bureau of Fire Protection sa pagbaba ng mga Family Food Packs at pagdadala nito sa PDRRMO Batanes.

Sa pamamagitan ng AFP C-130 at C-295 transport aircraft ay nakarating sa lalawigan ang kabuuang 1,100 family food packs (FFPs) bilang bahagi ng augmentation support para sa Batanes, na personal na kinomit ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kay Governor Marilou H. Cayco sa kanyang courtesy visit sa DSWD noong Mayo 22, 2023.

Sinabi ni Haidee Sto. Tomas, team leader ng DSWD-SWAD Batanes sa ginanap na Pre-Disaster Risk Assessment Meeting kahapon na ang kabuuang alokasyon na ginawa para sa Batanes ay 7000.

“We are still awaiting for 5,050. Hopefully, the AFP will be able to transport the remaining FFPs," aniya.

Ang mga FFP ay nakaimbak na ngayon sa mga bodega sa PSWDO Building at PDRRMO Logistics Hub. Ang bawat FFP ay naglalaman ng anim (6) na kilo ng bigas, apat na lata ng corned beef, apat na lata ng tuna, dalawang lata ng sardinas, limang sachet ng kape, at limang sachet ng cereal drinks.

Nagpapasalamat ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard and Philippine Navy/Marines sa pag-deploy ng mga tauhan upang tumulong sa pagbaba at pagkakarga ng mga FFP. (OTB/MDCT/PIA Cagayan)

About the Author

Kate Shiene Austria

Information Officer III

Information Officer III under the Creative and Production Services Division of the Philippine Information Agency. 

Feedback / Comment

Get in touch