DMW: Hindi lamang taga-Palawan ang nabibiktima ng illegal recruitment at human trafficking

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Hindi lamang taga-Palawan ang nabibiktima ng illegal recruitment at human trafficking, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW)-MIMAROPA OIC-Regional Director Jonathan A. Gerodias.

Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas, sinabi ni Gerodias na may mga biktima rin ng illegal recruitment at human trafficking na nagmula sa northern Luzon at Southern Philippines at idinadaan lamang sa Palawan.

“Hindi lamang po mga kababayan natin mula sa Palawan; hindi lamang po mga taga-MIMAROPA. May mga biktima po mula sa northern Luzon, southern Philippines at galing din po sa ibang probinsiya na dinadaan po sa Palawan,” pahayag ni Gerodias.

Ayon pa sa kanya, may naitala na ring kaso ng human trafficking sa MIMAROPA at ito ay sa probinsiya ng Palawan, partikular na ang insidente ng human trafficking na ang mga biktima ay mula sa bayan ng Roxas noong nakaraang taon, kung saan ay nasawi ang dalawang biktima.

Sinabi rin ni Gerodias na mayroon nang nakasuhan na illegal recruiters/human traffickers ngunit ang record nito ay nasa kanilang main office.

Paliwanag ni Gerodias na sa kasalukuyan ay pansamantalang inilagay sa Palawan ang Regional Office ng DWM dahil ang Palawan ang may mataas na kaso ng illegal recruitment at human trafficking.

Dagdag pa niya na isa din sa dahilan kung bakit inilagay sa Palawan ang Regional Office ng DWM ay dahil nasa Palawan na ang Regional Prosecutors Office ng Department of Justice na kaakibat ng DMW sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga illegal recruiters at human traffickers.

May international airport din ang Palawan na nasa Puerto Princesa City na binabantayan ng DMW na maaaring magamit sa human trafficking.

Pinaka-binabantayan din sa Palawan ng DMW ay ang paggamit sa lalawigan bilang backdoor ng mga illegal recruiters, ayon kay Gerodias.

Tiniyak din niya na paiigtingin pa ng DWM ang kanilang pagbabantay sa Palawan laban sa mga illegal recruiters at human traffickers sa nakatakdang pagbubukas ng RoRo port na magmumula sa Palawan patungong Malaysia at Brunei na maaaring magiging daan para sa human trafficking. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

In other News
Skip to content