PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Tiniyak ng Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) MIMAROPA na mayroon nang treatment hub ang lahat ng probinsya sa rehiyon para sa mga taong may Human Immunodeficiency Virus (HIV).
“Bawat probinsya po dito sa MIMAROPA ay mayroon po tayong treatment hub [para sa may HIV]. Kaya doon po sa ating mga treatment hub, doon po sila maaaring makuhang mga serbisyo tulad ng testing, counselling, pagkaroon ng karagdagang kaalaman tungkol sa HIV at iba pa,” ang pahayag ni Dr. Christy Andaya, DOH Infectious Disease Cluster Head for MIMAROPA, sa Kapihan sa Bagong Pilipinas nito lamang Hulyo 2, 2024.
Ayon kay Andaya, patuloy ang kanilang kampanya tungkol sa libreng testing at counselling kung saan maaaring magpa-test at makakuha ng gamot.
Dagdag pa niya na maraming treatment partners ang DOH at may mga organisasyong tumutulong para magbigay ng kaalaman tungkol sa HIV.
“Sa nationwide data po natin ay increasing po talaga ang trend, at maging dito po sa MIMAROPA ay increasing po ang trend sa mga nada-diagnose sa HIV,” saad ni Andaya.
Sa kasalukuyang datos ng DOH, pinakamaraming naitala na may kaso ng HIV sa lungsod ng Puerto Princesa na umaabot sa 656, sinundan ito ng Oriental Mindoro na mayroong 532, ika-tatlo ang Palawan na may 441, ika-apat ang Occidental Mindoro na may 198, ika-lima ang Romblon na may 142 kaso at ika-anim ang Marinduque na may 102 kaso.
Ilan sa mga pangunahing sanhi ng pakakaroon ng HIV na binigyang-diin ni Andaya ay ang hindi protektadong pakikipagtalik partikular ng mga lalaki sa lalaki, pagsasalin ng dugo at ang mother-to-child transmission.
Ayon pa kay Andaya, maliit na porsyento lamang na naisasalin ang HIV sa pamamagitan ng laway at ito ay isa sa mga stigma na dapat maalis sa isipan ng bawat isa.
Tiniyak din ni Andaya na lahat ng mga magpapa-test sa mga treatment hub ay magiging lihim dahil protektado ang mga ito ng batas. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)