Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko sa mga aksidente sa kalsada, heat-related at foodborne illnesses kaugnay ng mga aktibidad ngayong linggo.
Sa Semana Santa ng 2024, mula Marso 24 hanggang 31, nakapagtala ang DOH ng 631 na kaso ng Road Traffic-related Injuries. Karamihan sa mga aksidenteng ito ay kinasangkutan ng mga motoristang walang suot na safety gears tulad ng helmet at seatbelt. Ang mga naapektuhan ay nagtamo ng mga galos, bali sa katawan, at head injuries.
ROAD TRAFFIC INJURIES
Paalala ng DOH na siguruhing maayos ang kondisyon ng sasakyan at ng sarili bago bumiyahe. Suriin ang BLOW-BAG-SET: Battery, Lights, Oil, Water, Brakes, Air, Gas, Self, Engine, Tires. Huwag uminom ng alak, matulog nang sapat na oras kung magmamaneho, habaan ang pasensya at umiwas sa pakikipagtalo sa ibang motorista o road rage.
HEAT RELATED ILLNESS
Inaasahan din na maaaring pumalo sa extreme caution ang mararamdamang init o heat index na 33-41 degrees celsius sa susunod na apat na araw ayon sa tala ng PAGASA.
Mapanganib ang mataas na heat index dahil maaaring magdulot ito ng heat-related illnesses gaya ng heat stroke. Pinapayuhan ang lahat na magbaon at uminom ng maraming tubig. Magsuot o gumamit ng mga pangontra sa init tulad ng sumbrero, payong, at mga presko at light-colored na damit. Sakaling makaramdam ng hilo o panghihina sa labis na init, pumunta sa lilim o sa malamig na lugar, uminom ng tubig, at maglagay ng basang tuwalya sa noo, leeg o batok, kili-kili, at singit.
FOODBORNE ILLNESS
Dahil mainit ang panahon, mabilis ding mapanis ang mga pagkaing hinahain. Semana Santa noong nakaraang taon nang nakapagtala rin ang DOH ng mga kaso ng Foodborne Illness na umabot sa 122 na indibidwal.
Paalala ng DOH, sakaling makaramdam ng sintomas tulad ng labis na pagdudumi, pananakit ng tiyan o pagsusuka ay agad na magtungo sa pinakamalapit na ER.
Ngayong nakataas muli ang Code White Alert sa bansa mula Abril 13, 2025 hanggang Abril 20, 2025, nakaantabay ang DOH katuwang ang Health Emergency Management Bureau Operation Centers at DOH Hospitals upang rumesponde sa mga health emergencies at concerns.
Ang Code White ay idinedeklara tuwing may mga national events o holidays tulad na lamang ng Semana Santa na maaaring magdulot ng malawakang insidente o emergencies lalo pa’t marami ang bumibiyahe at nagtitipon sa mga pasyalan at simbahan.
“Kaisa ang DOH sa paggunita ng Semana Santa. Nakaantabay po kami kasama ang mga medical personnel ng DOH para tumugon sa anumang health emergency. Hangad namin ang inyong kaligtasan kaya hinihikayat namin ang lahat na ugaliin ang ibayong pag-iingat sa inyong mga aktibidad sa panahong ito,” ani Secretary Teodoro J. Herbosa.
Para sa anumang health emergencies o concerns, maaaring tumawag sa emergency hotline 911 at sa mga numerong: 0917-8059756 o 0917-8619528 ng DOH HEMB OpCen.
WATCH: https://www.facebook.com/share/v/16R4Z6UNpi/?mibextid=wwXIfr