LUNGSOD NG MAYNILA — Kumilos ayon sa mga tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., si Health Secretary Teodoro J. Herbosa, na naglabas ng updated na mga interim guidelines sa pagpigil at pamamahala sa mga epekto sa kalusugan ng matinding init. Napetsahan at unang ipinakalat noong nakaraang Marso 7, 2025, ang DOH Department Memorandum No. 2025-0114 na nagbabalangkas ng mga hakbang upang talunin ang mga epekto ng matinding init sa kalusugan. Inaasahang tataas pa ang damang init (English: heat index) sa mga susunod na araw patungo sa rurok ng tagtuyot sa bansa.
Ang DOH DM 2025-0114 ay nag-uutos sa lahat ng DOH unit, kabilang ang Department-retained hospitals at health facilities tulad ng Bagong Urgent Care and Ambulatory Services (BUCAS) centers, na magpatupad ng mga pangunahing istratehiya sa kanilang sarili, at mag-cascade rin nito at makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) sa pamamagitan ng mga mekanismo tulad ng PuroKalusugan (PK) na inilunsad kamakailan sa National Health Sector Meeting (NHSM).
Ang mga pangunahing estratehiya ay nakapangkat ayon sa pagpapatuloy ng serbisyo, na kinabibilangan ng paghahanda sa nga pasilidad at health workers na may networking; kaalaman sa pampublikong kalusugan; pagtatatag ng mga cooling centers; climate-resilient health infrastructure, na kinabibilangan ng mga hydration stations; at agarang pagtuklas at pagsubaybay sa mga sakit na nauugnay sa init (English: heat-related illnesses).
Ang mga cooling center ay mga naka-air condition o magandang daloy ng hangin na lugar na malapit sa mga ruta ng pampublikong transportasyon, na dapat gawing available at accessible sa pangkalahatang publiko, lalo na sa mga matatanda, maliliit na bata, mga buntis na kababaihan, at mga taong may kapansanan. Ang mga hydration stations ay gagawing patuloy na magagamit ng publiko sa lahat ng pasilidad ng DOH, kung saan makakainom ng malinis at ligtas na tubig lalo na sa inaasahang kasagsagan mga oras ng kainitan mula 9:00 AM hanggang 4:00 PM.
“Handa ang Department of Health kasama ang buong pamahalaan na harapin ang mainit na panahon. Palaging alamin ang heat index forecast ng PAGASA para sa inyong lugar o sa kalapitan. Magsuot ng maluwang, puti o light-colored, at magaan na damit,” ani Secretary Herbosa. “Palaging uminom ng malinis na tubig, at iwasan ang init mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. Tumawag sa 911, 1555 (DOH), o 143 (Philippine Red Cross) para sa emergencies,” dagdag ng Health Chief.(DOH)