PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Nangako ang Department of Health (DOH) ng tulong na nagkakahalaga ng P12 milyon kada taon mula taong 2023 hanggang 2027 para sa Malaria Control and Elimination Program ng probinsya.
Ang pangakong ito ay inihayag ni DOH Officer-In-Charge Sec. Maria Rosario Vergeire ng bumisita sya sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan kamakailan, kasama sina Asec. Dr. Gloria Balboa ng DOH Health Policy and Infrastructure Development Team, at DOH-MIMAROPA Regional Director Dr. Mario Baquilod.
Sa kanilang pagbisita ay nakipagpulong sila kina Gob. Victorino Dennis M. Socrates, Provincial Health Officer Dr. Faye Erika Labrador, Provincial Legal Officer Atty. Joshua Bolusa, at Chief-of-Staff Ceasar Sammy Magbanua.
Sa pagpupulong na ito, inihayag ni Sec. Vergerei ang tulong ng DOH sa Palawan na P12 milyon kada taon hanggang sa 2027 para sa hangaring maging Malaria Free ang lalawigan sa taong 2030.
Maliban sa tulong pinansyal ay patuloy ring magbibigay ang DOH ng insecticide mosquito-treated nets at iba pang equipment para sa nasabing programa.
Hiniling naman nito sa pamahalaang panlalawigan na gawin din ng mga ito ang kanilang bahagi upang sama-samang mapagtagumpayan ang laban sa sakit na Malaria sa lalawigan at matamo ang Malaria-free para sa Palawan.
Sinuri ng grupo ni Vergerei ang mga health facility sa Palawan tulad ng mga ospital at isolation areas bilang pagtugon sa direktiba ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na masiguro na mabilis at de-kalidad ang serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan. (OCJ/PIA- Palawan)
Si DOH Officer-In-Charge Secretary Dr. Maria Rosario Vergeire ng bumisita ito sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan kamakailan. (Larawan mula sa PIO-Palawan)