DOH NE nagpaalala sa banta ng Leptospirosis ngayong tag-ulan

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Nagpaalala ang Department of Health (DOH) Nueva Ecija sa banta ng sakit na Leptospirosis ngayong tag-ulan.

Mayroon nang naitalang 61 kaso ng Leptospirosis sa Gitnang Luzon ngayong taon kung saan 18 rito ay mula sa lalawigan.

Ayon kay DOH Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa, ang Leptospirosis ay sanhi ng leptospira bacteria na nakukuha sa ihi ng hayop tulad ng daga, baka, at baboy at iba pa.

Nakakapasok sa katawan ng tao ang naturang bacteria sa mga sugat o bitak sa balat, mata, ilong, at bibig kapag lumusong ito sa baha o putik kung saan kadalasang humahalo ang ihi ng mga hayop.

Ilan sa mga sintomas ng Leptospirosis ay lagnat, ubo, pagsusuka, diarrhea, pamumula ng mata, paninilaw ng balat, pananakit ng binti, ulo, at likod ng mata.

Karaniwang tinatamaan ng sakit na ito ay ang mga magsasaka, mangingisda, tricycle driver, mga manggagawa sa konstruksiyon at mga trabahador sa palengke.

Kaugnay nito, hinihikayat ni Espinosa na magpakonsulta agad sa doktor kung mayroong naramdamang sintomas dahil maaari itong lumala kapag hindi agad naagapan.

Payo naman ni Espinosa, maging malinis sa kapaligiran upang walang bahayan ang mga daga, gayudin ay panatilihin ang proteksyon sa katawan sa pamamagitan ng paghuhugas ng mga kamay at paa, at pagsusuot ng Personal Protective Equipment gaya ng bota at gloves kung kinakailangan. (CLJD/MAER-PIA 3)

Hinikayat ni Department of Health Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa ang mga mamamayan na mag-ingat sa banta ng Leptospirosis ngayong tag-ulan. (Maria Asumpta Estefanie C. Reyes/PIA 3)

In other News
Skip to content