113 mga mag-aaral, nakinabang sa programa
BOAC, Marinduque (PIA) — Upang matulungang mabigyan ng mapagkakakitaan ang mga mag-aaral habang nakabakasyon at para magkaroon ng oportunidad na makapagtrabaho sa mga tanggapan ng gobyerno ang mga kabataan, muling inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Marinduque Provincial Government sa pamamagitan ng Marinduque Livelihood Manpower Development-Public Employment Service Office (LMD-PESO) ang Special Program for Employment of Students o SPES.
Ang SPES ay isang employment-bridging program ng DOLE katuwang ang lokal na pamahalaan na naglalayong mabigyang pagkakataon ang mga mahihirap ngunit karapat-dapat na mag-aaral at mga kabataan na makapagtrabaho tuwing bakasyon, Pasko, o anumang panahon.
Ngayong bakasyon, nasa 113 na mga mag-aaral mula sa iba’t ibang bayan sa probinsya ang napabilang sa naturang programa kung saan sila ay itinalaga sa mga barangay, mga tanggapang panlalawigan at pangnasyunal para magbigay ng 20 araw na trabaho simula Hulyo 28 hanggang Agosto 25.
Bago sumabak sa aktuwal na pagtatrabaho, nagkaroon ng oryentasyon para sa mga benepisyaryo noong Hulyo 28 na pinangunahan ni Ryan S. Abetria, SPES Focal Person ng DOLE-Marinduque.
Ipinahayag ni Abetria sa mga mag-aaral ang layunin, responsibilidad at benepisyo ng SPES at ipinaalam na sila ay protektado ng insurance coverage mula sa Government Service Insurance System Personal Accident Insurance (GSIS-PAI).
Sa pagtatapos ng kanilang trabaho, ang mga benepisyaryo na makaka-kompleto ng programa ay makatatanggap ng sweldo na aabot sa halagang P9,600 kung saan sasagutin ng pamahalaang panlalawigan ang 60 porsiyento at ang DOLE ay magbibigay ng natitirang 40 porsiyento.
Kabilang si Reeniel Klein A. Maling, incoming second year student mula sa Marinduque State College ang napabilang sa SPES kung saan siya ay na-assign sa tanggapan ng Philippine Information Agency (PIA)-Marinduque Information Center.
“Ako po ay natutuwa sapagkat isa ako sa mga napili ng DOLE at ng LMD-PESO para makapagtrabao sa PIA sa ilalim ng SPES. Nakita ko po itong pagkakataon para mapalawak ang aking kaalaman at karanasan sa mundo ng trabaho at serbisyo publiko. Labis din po ang aking pasasalamat sa ganitong programa dahil nagbigay ito ng mas malawak na oportunidad sa mga estudyanteng nagnanais makapagtrabaho habang nag-aaral,” pahayag ni Maling.
Ipinaabot naman ng environmental science student na si Nehaya Guindo mula sa bayan ng Boac ang kanyang pasasalamat sapagkat naging bahagi siya ng SPES na aniya, sa kasalukuyan ay mayroon silang pinasyal na problema sa pamilya kaya malaki ang maitutulong nang makukuha niyang sweldo para maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral ngayong taong panuruan.
Bilang pagpapakita ng suporta sa mga mag-aaral, dumalo sa oryentaston sina Vice-Governor Adeline M. Angeles, Sonny P. Paglinawan na kumatawan kay Gov. Presbitero J. Velasco, Jr., Ken Aldrin Jalac bilang kinatawan ni Provincial Director Philip T. Alano mula sa tanggapan ng DOLE at Alma C. Timtiman-Chief Administrative Officer at LMD-PESO Manager ng Marinduque. (RAMJR/PIA Mimaropa-Marinduque)
Ipinahayag ni Ryan Abetria, focal person ng DOLE-SPES-Marinduque sa mga mag-aaral ang layunin, responsibilidad at benepisyo ng SPES at ipinaalam na sila ay protektado ng insurance coverage mula sa Government Service Insurance System Personal Accident Insurance (GSIS-PAI). (Larawan mula sa LMD-PESO)