LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) — Nakatanggap ng tulong ang mga child laborers at kanilang mga magulang mula sa Laguna bilang bahagi ng selebrasyon ng 2023 World Day Against Child Labor nitong miyerkules, Hunyo 28.
Umabot sa 100 na kabataan at 61 na magulang ang nabigyan ng tulong sa ilalim ng Project Angel Tree ng Department of Labor and Employment (DOLE), Laguna Provincial Office at ng Laguna Industrial Peace Council Inc (LIPCI). Layon ng proyekto na matulungan ang mga child laborers at kanilang pamilya na maitaas ang kanilang antas ng pamumuhay.
Ayon kay DOLE Laguna Provincial Director Guido Recio, batid ng pamahalaan na nagta-trabaho ang mga kabataan dahil sa kahirapan ng kanilang pamilya kaya’t mahalaga na sila’y mabigyan ng kaukulang tulong at suporta.
“Ang child labor ay ipinagbabawal ng batas. (Pero) hindi pwedeng basta ipatigil. Kailangan tulungan ang mga bata at kanilang pamilya (at hikayatin) ang mga magulang na bigyan ng oras ang mga bata na maglaro at mag-aral. Kung maaari ay wag silang pagtrabahuin dahil ang 18 years old ang legal age para makapagtrabaho sa bansa,” ani Recio.
Dagdag ng direktor, katuwang nila ang pribadong sektor sa programa dahil bukod sa pamahalaan ay nagbibigay rin ng suporta ang mga kumpanya mula sa mga materyal na pangangailangan gaya ng food products, school supplies, hygiene kits, at cash donations hanggang sa scholarship, pagbibigay ng trabaho sa mga magulang, o pamamahagi ng livelihood packages.
Pinangunahan ni DOLE IV-A Assistant Regional Director Atty. Marion S. Sevilla ang programa na dinaluhan naman nina Governor Ramil Hernandez, Laguna 2nd District Rep. Ruth Mariano Hernandez, LIPCI Vice Chair for Management John Joseph Cano, at LIPCI Vice Chair for Labor Manny Quizon.
Isa sa benepisyaryo ng proyekto si Jenalyn Villanueva ng Pila, Laguna na kasalukuyang kumikita bilang Barangay Health Worker at naglalako naman ng mga pagkain ang kanyang asawa. Nagpasalamat si Jenalyn sa tulong at nangakong palalaguin ang livelihood package para sa kinabukasan ng kanyang pamilya.
“’Yung matatanggap ko po ngayon na sari-sari store, makakatulong sa araw-araw bilang pambili ng pagkain ng bata at pambaon sa mga estudyante. Hindi na po ako mamo-moblema sa mga pambaon at pambili ng pagkain. Palalaguin ko po ‘yung negosyo na ibibigay sa akin ng DOLE. Pangangalagaan ko po at pinagpapasalamat ko po sa Panginoon,” aniya.
Sa datos mula sa DOLE, umabot na sa higit 2,500 ang profiled child laborers sa Laguna. Karamihan sa kanila ay mga nagtatrabaho sa mga niyugan, palayan, pangisdaan, pagtitinda, pangangalakal, at konstruksyon.
Paniwala ni Recio, mataas itong maituturing dahil hangad aniya ng pamahalaan na wala nang bata pa ang kailangang mag-hanapbuhay dahil sa kahirapan.
“Kung sa figures na 2,000 mahigit na ating na-profile, iyan po ay mataas dahil ang gusto ng ating pamahalaan at ng gobyerno ay zero. Basta tumaas yan sa isa, iyan ay madami. Downward [ang child labor] sa tulong ng private sector, at ng ibang ahensya ng gobyerno at ating kasama sa mga local government units,” giit niya.
Sa pahayag ni LIPCI Chairperson Vergel Rapin, handa ang mga pribadong kumpanya sa Laguna na magbigay ng oportunidad sa bawat pamilyang nakakaranas ng hirap nang sila ay magkaroon ng maunlad na buhay.
“Huwag tayong mahiyang tumulong lalong lalo na dito sa mga child workers kasi kami sa industry halimbawa, kailangan namin ng workforce. Isa sa tinitingnan namin diyan na matibay na workforce ay yung mga banat sa responsibilidad. Kapag nabigyan natin ng pagkakataon ang mga child workers na mag-aral, pag binigyan natin sila ng pagkakataong pumunta o magkaroon ng trabaho sa industriya sigurado ako na magiging responsible sila sa buhay,” ayon kay Rapin.
Hangad ng LIPCI na sa tulong Project Angel Tree at pagkakaroon ng iisang adhikain ang iba’t-ibang sektor ay magkaroon ng masaya at komportableng buhay ang mga bata.
Dagdag ni Rapin: “Tinitingnan natin dito ay (kung) paano natin matutulungan ang mga bata na makabalik sa paaralan. Ang prayoridad natin dito ay mabuksan ang isip ng mga magulang… na ang mga batang ito ay dapat nasa paaralan, dapat nasa laruan, at kung ano pang tulong ang pwede nating ibigay na tulong sa kanyang pamilya upang maiwasan makapagtrabaho ang mga batang ito sa batang edad. Nandyan ang pamahalaan at ang private sector para matulungan sila.”
Mensahe niya sa mga bata na patuloy na mangarap at magsikap para sa kanilang kinabukasan.
“Hindi nila kasalanan na masadlak sila sa maagang pagtatrabaho. Pero nandito ang LIPCI, nandito ang gobyerno, nandito ang private sector para gabayan at tulungan kayo na makamit ang inyong pangarap. So sabi nga kanina sa programa, huwag tumigil sa pangangarap. Huwag tumigil sa pagsisikap para sa mas magandang bukas ng mga batang ito,” ani Rapin.
Plano ng DOLE Laguna at LIPCI na magdaos pa ng tatlong aktibidad sa ilalim ng Project Angel Tree. Sa Hulyo, nakatakdang magdaos ng isang medical and dental mission, sa Nobyembre bilang selebrasyon ng National Children’s Month, at sa Disyembre bilang Pamaskong handog sa mga bata at kanilang pamilya. (CH/PIA-Laguna)
PROJECT ANGEL TREE. Nakatanggap ng mga food products, school supplies, hygiene kits, at cash donations ang mga dating child laborers. May alok ding scholarship ang ilang pribadong kumpanya para sa mga kabataan. (MBIL/PIA-4A)