DOLE livelihood assistance, ipagkakaloob sa iba’t ibang bayan sa probinsya

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Makikinabang sa Kabuhayan Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang 11 bayan sa lalawigan, ayon sa Panlalawigang Tanggapan ng nasabing Kagawaran.

Sinabi ni Gener Francisco ng DOLE OccMdo na bilang panimula ay nakapagbigay na sila ng livelihood assistance sa siyam na indibidwal ngayong unang quarter ng taon at marami pa ang nakatakdang pagkalooban sa mga darating na buwan. Ang nasabing livelihood assistance ay nakalaan sa mga marginalized worker, mga naapektuhan ng pandemya, at mga nawalan ng trabaho.

Saad ni Francisco, ang pinakahuling mga benepisyaryo na nakinabang sa Kabuhayan Program ngayong Marso ay mula sa bayan ng Mamburao.”Tatlo sa mga benepisyaryo ay may mga negosyo na naapektuhan ng pandemya at ang isa ay nawalan ng trabaho dahil din sa pandemya,” ani Francisco. Dalawa sa nabanggit na tatlong may negosyo ay may pinamamahalaang sari-sari store habang ang isa ay may eatery. Humina ang kita ng kanilang mga kabuhayan nang dumating ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Bilang tulong ng DOLE, ipinaliwanag ni Francisco na bumili ang kanilang tanggapan ng mga kagamitang kailangan ng mga benepisyaryo sa kanilang negosyo samantalang starter kit para sa banana chips ang ipinagkaloob sa nawalan ng trabaho.

Dagdag pa ni Francisco, nakipagtulungan sa kanila ang mga pamahalaang lokal ng bawat bayan sa pagtukoy sa mga benepisyaryo ng programa. Ang mga ito ay dumulog sa kani-kanilang munisipyo na siya namang nakipag-ugnayan sa DOLE OccMdo. Maari rin naman aniyang direktang magsadya sa kanilang tanggapan ang sinumang nais mapabilang sa mga programa ng kanilang ahensya. (VND/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content