LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nakiisa ang Department of Science and Technology (DOST) MIMAROPA sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Office (PSTO) sa ika-limampung taong selebrasyon ng nutrition month na ginanap sa Bulwagang Panlalawigan ng Kapitolyo, lungsod ng Calapan.
Ang tema ngayong taon ng pagdiriwang ay “Sa PPAN: Sama-sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat!,” na naka-angkla sa Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023-2028.
Ang PPAN ay nutrition action plans ng pamahalaan na ang layunin ay hubugin ang mga bata sa pagkakaroon ng tamang nutrisyon upang labanan ang pagiging bansot at ilagay sa tamang timbang mula sa pagiging payat at labis ang timbang.

Dahil dito, nagsagawa ang PSTO Oriental Mindoro ng exhibit tulad ng pagbibigay ng mga Information, Education and Communication (IEC) materials at ilang audio-visual presentation (AVP) upang ipaalam ang mga programa at serbisyo ng DOST, at ilan na rito ang impormasyon patungkol sa enhanced Nutribun o eNutribun na carrot at squash variant.
Ayon sa ipinalabas na AVP ng PSTO, ang ginawang carrot variant ng mga panaderyang binigyan ng akreditasyon at sinuportahan ng DOST ay isang alternatibo at masustansyang tinapay upang maiwasan ang pagkaumay o pagkasawa sa pagkain ng eNutribun squash variant na siksik din sa sustansya lalo na sa mga kabataan na bahagi ng supplemental feeding program.
Samantala, ilan din sa mga ahensya ng pamahalaan na nakiisa sa naturang paglulunsad ay ang Department of Agriculture (DA), Commission on Population and Development, National Food Authority (NFA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Department of Agrarian Reform (DAR). (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)