DOST namahagi ng Carrageenan Plant Growth Promoter sa mga sampaguita growers sa Pangasinan

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) — Nasa 250 litro ng Carrageenan Plant Growth Promoter ang ipinamahagi ng Department of Science and Technology (DOST)-Region 1 sa mga sampaguita growers bilang tulong sa pagpapalago ng sampaguita industry sa bayan ng Manaoag.

Tinanggap ng Sampaguita Growers Association mula sa Barangay Bariato sa bayan ng Manaoag ang nasabing agricultural fertilizer sa pamamagitan ng DOST-Provincial Science and Technology Office (PSTO) sa Pangasinan nitong Miyerkules.

Ayon kay Jennifer Fernandez, science research specialist ng DOST-Pangasinan, ang Carrageenan Plant Growth Promoter ay isang teknolohiyang pang-agrikultura na napatunayang mas mapausbong at mapalago ang isang halaman.

Ani Fernandez, ang nasabing asosasyon ay libreng nakatanggap ng Carrageenan Plant Growth Promoter bilang tulong upang mas mapalago pa ang industriya ng sampaguita sa Pangasinan sa pamamagitan ng pag-endorso ni 4th District Representative Christopher De Venecia ng mga pangangailangan ng asosasyon sa DOST.

Ang Sampaguita Growers Association ang itinuturing na pangunahing producer ng sampaguita na nagmula sa lalawigan ng Pangasinan.

Ang mga sampaguita mula sa Manaoag ay nakakarating na rin sa lalawigan ng La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, at maging sa Baguio City na kilala bilang Flower City of the North upang ibenta.

Dahil dito, kinilala ng DOST ang mga kontribusyon ng asosasyon sa pagpapakilala sa Pangasinan sa produksyon ng sampaguita kaya naman mas palalawigin umano ng ahensya ang pagbibigay ng mga suporta sa science, technology at innovation (STI) para sa produksyon ng asosasyon.

Samantala, nagpahayag naman si Manaoag Mayor Jeremy Agerico Rosario ng kanyang pasasalamat sa napapanahong tulong ng DOST  sa asosasyon dahil ito ay lubos na magpapaunlad sa kanilang produksyon ng sampaguita. (JCR/AMB/RPM/PIA Pangasinan)

In other News
Skip to content