PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Pinangunahan nina Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer (COO) Mark Lapid ang Groundbreaking at Memorandum of Agreement (MOA) Signing ng Tourist Rest Area na ginanap sa Bgy. San Nicolas sa bayan ng Roxas nitong Pebrero 17, 2023.
Ayon sa mensahe ni DOT Sec. Frasco, sinabi nito na ang Tourist Rest Area o TRA na itatayo sa Palawan ay ang ika-sampu na sa mga TRA na itinatayo sa iba’t-ibang lugar sa bansa na ang operasyon at maintenance nito ay pangangasiwaan ng Local Government Unit.
Nilaanan aniya ito ng P7Milyong piso kung saan iba’t-ibang mga pasilidad ang nakapaloob dito, gaya ng information center, pasalubong center ang ang magbebenipisyo ay ang mga small and medium enterprise, malinis at disenteng mga palikuran, charging stations at automated teller machine.
Ang TRA sa Roxas, Palawan ang magsisilbing stop-over o
pahingahan nang mga turistang tutungo o manggagaling sa mga bayan ng San Vicente, Taytay, El Nido, at iba pang karating na munisipyo.
Layon din aniya ng proyekto na siguruhing maisasakatuparan ang isa sa mga hangarin ni Pangulong Bongbong Marcos na palakasin at pagbutihin pa ang kabuuan ng Philippine Tourism Experience.
Sinabi pa ni Sec. Frasco na sa kasalukuyan ay binubuo na nila ang Tourist Life Cycle App para sa maayos at maginhawang paraan sa pag-access ng mga turista sa impormasyon tungkol sa mga destinasyon, transportasyon, tourist operators at tour guides, gayundin ang pagkakaroon ng tourist call center na nakakonekta sa 16 na regional offices sa bansa.
Dagdad pa ng Kalihim na gagawa rin ang kanyang kagawaran ng cross-province tourism circuits kung saan ang mga kilalang mga probinsiya ay ikakabit o ikakawing sa mga hindi pa masyadong kilalang probinsiya upang masiguro na ang mga turista ay makilala rin ang iba pang bahagi ng bansa.
Dumalo din sa nasabing aktibidad si Palawan 2nd District Representative Jose C. Alvarez, Palawan 1st District Representative Edgardo Salvame, Roxas Mayor Dennis M. Sabando at iba pang Alkalde ng karatig bayan ng Roxas, Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA)
Lumagda sa isang Memorandum of Agreement sina Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer (COO) Mark Lapid, kasama sina Palawan 2nd District Representative Jose C. Alvarez, Palawan 1st District Representative Edgardo Salvame at Roxas Mayor Dennis M. Sabando para sa itatayong Tourist Rest Area sa Bgy. San Nicolas, Roxas, Palawan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)