ODIONGAN, Romblon (PIA) — Target na mas mapausbong ng Department of Tourism (DOT) Mimaropa ang cruise at diving industry sa probinsya ng Romblon ngayong taon sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan at mga tourism officers ng mga munisipyo.
Sa isang panayam ng PIA Romblon nitong ika-18 ng Marso kay DOT Mimaropa Regional Director Zeny Pallugna, sinabi nito na ang Romblon ay kilala ‘globally’ dahil sa diving at cruise tourism kaya ito ang dalawang sektor na kanilang pagtutuunan ng pansin.
“Nakita ko na ‘yung Romblon is an underrated destination. Underwater is also very rich. A lot of underwater photographers come here because of the unique life that you have,” ayon kay RD Pallugna na kasalukuyang nasa Romblon para sa mag-scouting ng iba’t ibang tourist spots sa probinsya kasama si Romblon Governor Jose Riano.
Sa isang panayam ng PIA Romblon nitong March 18 kay DOT Mimaropa regional director Zeny Pallugna, sinabi nito na ang Romblon ay kilala ‘globally’ dahil sa diving at cruise tourism kaya ito ang dalawang sektor na kanilang pagtutuonan ng pansin. (PJF)
Ayon kay Pallugna, may 41 na cruise ships ang nakatakdang dumaong sa rehiyon kung saan apat rito ay dadaan ng probinsya ng Romblon.
Para mas mapaunlad ang dalawang sektor na ito, sinabi ni Pallugna na dapat magkaroon ng training para sa community-based tour guiding para magkaroon ng mga tourist guides na mag-iikot sa mga turista sa iba’t ibang destinasyon sa Romblon kagaya ng Bonbon Beach at Cresta de Gallo, dagdag pa rito ang pagkakaroon ng fun map at shore excursion.
Ilan pa sa mga puwedeng puntahan na diving sites sa lalawigan ay ang The House Reef, Blue Hole, Agnay Fish Sanctuary, Lonos Marine Sanctuary, The Rope, Lunas, Staghorn Corazon, Treasure’s Dream, Magnificat, Mapula, at sa Agpanabat Caves & Canyons Marine Sanctuary.
Masaya naman si Pallugna sa naging tugon ng mga lokal na pamahalaan ng probinsya sa plano ng kanilang ahensya.
“I have spoken to the Governor that we need to collaborate. One thing good here in the province, the local governments are very supportive to the development of the tourism industry and that’s the key to grow this industry,” ayon kay Pallugna.
Maliban rito, sinabi ni Pallugna na ang kanilang ahensya ay tutulong rin sa probinsya para pagandahin ang mga pantalan, kalsada at iba pang infrastructure projects na tutulong sa paglago ng turismo sa lalawigan.
Noong 2022, may 58,462 ang naitalang same day arrival sa probinsya at target nitong pataasin ng Department of Tourism at ng Provincial Tourism Office ngayong taon.
Inaanyayahan naman ni Pallugna ang mga nasa sektor ng turismo lalo na ang mga may-ari ng hotels at iba pang atraksyon na magpa-accredit sa kanilang ahensya. (PJF/PIA MIMAROPA)
Sinamahan si DOT Mimaropa Regional Director Zeny Pallugna ni Romblon Governor Jose Riano sa pag-iikot sa mga tourism sites sa lalawigan. (Photo: DOT Mimaropa)
Larawan sa pinakataas: Mula sa DOT-Mimaropa FB page