LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA)—Pwede nang makapagsimula ng operasyon ang Double A slaughterhouse ng pamahalaang panlungsod ng Kidapawan matapos iturnover ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang license to operate nito nitong Martes.
Sa pamamagitan ng license to operate ay makatitiyak ang lahat ng konsumidores ng malinis, dekalidad, at ligtas kainin na karne ng baboy, baka, at iba pang livestock na kinakatay mula sa naturang pasilidad.
Binigyang-diin naman ni City Mayor Paolo Evangelista na ang pagbubukas ng slaughterhouse ay makatutulong hindi lamang sa livestock producers at meat vendors kundi maging sa local butchers.
Samantala, hinikayat ni NMIS Regional Technical Director Dr. Myrna Habacon ang pamahalaang panlungsod na panatilihin ang maayos na pamamalakad ng naturang pasilidad para na rin pumasa sa mga itinatakdang international standards sa meat processing. Sa ganitong paraan, aniya pwedeng mag-export ng karne ang Kidapawan City patungo sa ibang bansa at mapalalago nito ang meat industry ng lungsod.
Ang Double A slaughterhouse na matatagpuan sa Barangay Kalaisan ay nagkakahalaga ng P20 milyon mula sa NMIS at pamahalaang panlungsod. (With reports from CIO-Kidapawan)