LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Naipatapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH)- Southern Mindoro District Engineering Office (DEO) ang P5M access roads patungo sa mga idineklarang Tourism Destinations sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro.
Kabilang ang panturismong atraksyon na Phantom Cave at Bamboo Plantation sa naturang bayan ang makikinabang sa programa na Tourism Road Infrastructure Program o TRIP na naglalayong pagandahin ang mga sira at hindi madaanan na kalsada patungo sa mga panturismong atraksyon sa probinsya at maging sa ibang lugar.
Kapapakinabangan ito ng mga turista at ng mga namamahala sa lugar na siya namang magbibigay ng dagdag na kita sa mga ito. Bibilis din ang pag-aangkat ng mga produkto patungo sa mga merkado na magkakaroon ng direktang epekto sa kabuhayan ng mga residente.
Ang proyekto ay napondohan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ng 2023. (JJGS/PIA Mimaropa-Ormin)