CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Patuloy ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region IV-A sa pagbibigay ng tulong sa mga pamilya at residente sa iba’t ibang bahagi ng Calabarzon na naapektuhan ng bagyong Enteng.
Ayon sa DSWD IV-A, umabot na sa PhP 5.26 milyon ang halaga ng relief assistance na kanilang naipamahagi sa mga apektadong pamilya.
Batay sa opisyal na ulat ng mga lokal na pamahalaan, tinatayang 22,871 pamilya ang naapektuhan ng bagyo, at 9,549 sa mga ito ay pansamantalang nanunuluyan sa 241 evacuation centers sa rehiyon.
Mula nang tumama ang bagyong Enteng noong Setyembre 2, patuloy na nakikipag-ugnayan ang DSWD IV-A sa mga lokal na pamahalaan para sa pagmo-monitor at assessment ng mga apektadong indibidwal at pamilya. Layunin nitong masuri ang kanilang pangangailangan at maibigay ang nararapat na suporta sa bawat lokal na pamahalaan.
Noong Martes, Setyembre 3, pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pamamahagi ng family food packs sa mga evacuation centers sa JS Cabarus Elementary School sa Antipolo City; Kabisig Elementary School sa Cainta, Rizal; at Rosario Evacuation Center sa San Pedro City, Laguna.
Bukod sa family food packs, nagbigay din ang DSWD ng financial assistance na nagkakahalaga ng PhP 10,000 bawat pamilya sa pitong nasawi dulot ng flash flood at landslide sa lungsod ng Antipolo.
Tiniyak ni Gatchalian na mabibigyan ng nararapat na tulong at suporta ang mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagtulungan ng Kagawaran sa mga lokal na pamahalaan. (DSWD 4A/PIA 4A)