ODIONGAN, Romblon (PIA) — Naglabas ng patalastas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa upang ipabatid sa publiko ang impormasyon tungkol sa mga indibidwal na nag-iikot at nagsasagawa ng survey sa mga tahanan at nagpapakilalang kanilang mga tauhan.
Ayon sa DSWD Mimaropa, hindi sila nagsasagawa ng anumang survey o kahalintulad na aktibidad sa kasalukuyan sa buong rehiyon.
Ito ay kasunod nang isang Facebook post kamakailan na may nagpapakilalang dalawang indibidwal mula sa DSWD na nag-iikot sa bayan ng Odiongan sa Romblon upang magsagawa ng survey.
“Pinapayuhan ang lahat na maging mapagbantay at mapagmatyag sa mga nagpapanggap na taga DSWD upang magsagawa ng survey,” ayon sa bahagi ng FB post ng DSWD Mimaropa.
“Tanging mga lehitimong kawani ng DSWD MIMAROPA ang magsasagawa ng mga ganitong aktibidad sa takdang araw at panahon,” dagdag pa nila.
Nananawagan ang DSWD Mimaropa sa publiko na mag-ulat ng mga kahina-hinalang indibidwal o aktibidad sa kanilang komunidad sa pinakamalapit na opisina ng DSWD Mimaropa.
Ikinababahala ng mga residente ng Odiongan ang insidente dahil sa sunod-sunod na nangyayaring nakawan sa bayan nitong nakalipas na mga linggo.
Ayon kay Police Major Edwin Bautista, hepe ng Odiongan Municipal Police Station, tuloy-tuloy ang ginagawa nilang pagpapatrolya sa bayan para masiguro ang siguridad ng publiko. Hiniling rin nito na hanapan ng permit ang sinumang kumakatok sa kanilang bahay na nagsasagawa ng survey o ang mga personalidad na nagbebenta ng mga inilalakong mga produkto. (PJF/PIA Mimaropa-Romblon)