Masayang gumagawa ng mga produktong gawa sa kawayan ang mga miyembro ng Pandan Ati Farmers Fishermen Association sa ginanap na training para sa kanila kamakailan na inorganisa ng Department of Trade and Industry at DAR-CARP. (Photo Courtesy: Santa Fe Tourism Office)
ODIONGAN, Romblon (PIA) — Aabot sa 25 miyembro ng Pandan Ati Farmers Fishermen Association ang nakibahagi sa inorganisa na skills training ng Department of Trade and Industry (DTI)– Romblon sa pakikipagtulungan ng Department of Agrarian Reform (DAR)– Romblon kamakailan sa Brgy. Pandan, Santa Fe.
Ayon sa Tourism Office ng Santa Fe, ang limang araw na training ay may layuning mas mapaangat ang kaalaman ng mga IPs sa kasanayan sa paggawa ng mga bamboo handicrafts na isa sa likas na yaman sa bayan.
Tutulong din umano ito sa munisipyo para maabot ang kanilang inaaasam na Agri-tourism sa pamamagitan ng mga paggawa ng handicrafts.
Sa huli, nakagawa ng mga magagandang bayong at lagayang gawa sa kawayan ang mga dumalong IPs. Ito ay kanilang maibebenta sa kanilang pamayanan. (PJF/PIA Mimaropa)