MOGPOG, Marinduque (PIA) — Tumanggap ng sari-sari store livelihood kits mula sa Department of Trade and Industry (DTI) ang 67 miyembro ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) sa lalawigan ng Marinduque.
Ayon kay Roniel Macatol, Provincial Director ng DTI-Marinduque, ang pagkakaloob ng livelihood kits ay bahagi ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa-Livelihood Seeding Program (PPG-LSP) kung saan ang 49 na benepisyaryo ay nagmula sa bayan ng Boac habang ang 18 store owners ay galing naman sa Mogpog.
Ang PPG-LSP ay isang programa na inilunsad ng DTI na nakatutok sa pagbibigay ng tulong pangkabuhayan sa mga MSME, mga indibidwal na naapektuhan ng kalamidad at mga mamamayang sumailalim sa Balik Probinsya Program.
Samantala, bago ang paglagda ng mga benepisyaryo sa pledge of commitment at acknowledgement receipt ay isinagawa ang pagsasanay hinggil sa Entrepreneurial Development na pinangunahan ni Chief Trade Industry Development Specialist Mark Dennis Cortez.
Umaasa ang ahensya na sa pamamagitan ng mga ipinamahaging livelihood kits ay makapagsimula at magkaroon ng dagdag puhunan ang mga benepisyaryong MSME ng sa gayon ay umunlad hindi lamang ang kanilang kabuhayan bagkus ay ang ekonomiya ng probinsya. (RAMJR/PIA MIMAROPA)