DTI NE ikinakampanya ang paggamit ng digital payment platforms

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) – Ikinakampanya ng Department of Trade and Industry (DTI) Nueva Ecija ang paggamit ng mga digital payment platform para sa mas mahusay na pamimili at pagnenegosyo.

Ito ay may kaugnayan sa pagsusulong ng Public Market Digitalization at Paleng-QR Ph Plus sa lalawigan.

Ayon kay DTI Provincial Director Richard Simangan, tumutulong ang ahensiya sa programang ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of Interior and Local Government sa pamamagitan ng paglalapit sa mga samahan ng mga market administrator at konsyumer sa buong lalawigan.

Partikular sa Nueva Ecija League of Market Administrators at Nueva Ecija Consumer Affairs Advocacy Association na katuwang lagi ng DTI at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan sa pagtataguyod ng iba’t ibang programa.

Pahayag ni Simangan, hindi lamang mga negosyante ang makikinabang sa patuloy na paglulunsad ng Public Market Digitalization at Paleng-QR Ph Plus, kundi malaking tulong din ito sa mga konsyumer at sa pagpapalago ng lokal na ekonomiya.

Maliban sa madaling paggamit ng mga digital payment platform sa pamimili bilang pamalit sa paggamit ng cash ay makatutulong pa na makaiwas sa pandaraya tulad ang hindi pagbibigay ng tamang sukli.

Ang ilang digital payment platforms ay mayroon ding rebate at loan na maaaring magamit ng mga konsyumer at negosyante.

Pahayag ni Simangan, sa lalawigan ay positibo ang pagtanggap ng mga market vendor sa digitalization na patuloy hinihikayat ng tanggapan dahil ito na ang uso o akmang gamitin sa panahon ngayon na hindi lamang kapakipakinabang sa pamimili, kundi pati na rin sa pagbabayad sa transportasyon at sa iba pang mga gastusin.

Huwag aniyang matakot na sumubok gumamit ng mga digital payment platform na makatutulong sa pang-araw-araw na transaksyon at sa pagsusulong ng e-commerce.

Ilan sa mga bayan sa Nueva Ecija na nakapaglunsad na ng Public Market Digitalization at Paleng-QR Ph Plus ang Guimba, Bongabon, Santa Rosa, Gabaldon, Rizal, at ang lungsod ng San Jose. (CLJD/CCN-PIA 3)

Suportado ng mga lokal na pamahalaan sa Nueva Ecija ang paglulunsad ng Public Market Digitalization at Paleng-QR Ph Plus tulad ang pamahalaang bayan ng Santa Rosa sa pangunguna ni Mayor Josefino Angeles (nakasuot ng shades) na dumalo sa mismong pagpapasinaya ng programa kamakailan. Kasama sa larawan si Department of Trade and Industry (DTI) Provincial Director Richard Simangan (pang-apat mula sa kaliwa), Nueva Ecija Consumer Affairs Advocacy Association President Katherine Daluz (naka-dilaw), mga kawani ng DTI at lokal na pamahalaan. (DTI Nueva Ecija)

In other News
Skip to content