LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Nagsagawa ng surpresang inspeksiyon kamakailan ang mga kawani ng Department of Trade and Industry (DTI) Oriental Mindoro sa pamamagitan ng Provincial Monitoring and Enforcement Team (PMET) sa mga bayan ng Mansalay at Bulalacao upang alamin kung may mga establisyimentong nagtitinda ng mga produktong substandard at walang mga tatak ng kasiguruhan.
Ipinatupad ng PMET ang on-the-spot inspection at monitoring sa mga produkto na nasa ilalim ng mandatory certification sa iba’t-ibang merkado sa nasabing bayan upang masiguro na ang mga ito ba’y sumusunod sa mga alituntunin at pamantayan ng mga produkto para masiguro na ligtas ang mga ito na gamitin ng mamimili.
Apat na establisyimento ang nakitaan ng mga paglabag kung kaya inisyuhan ng Notice of Violation ng DTI matapos mapatuynayan na ang mga itinitindang electric appliances, mga alambre at lighter ay walang selyo ng kasiguruhan tulad ng Philippine Standard (PS) Mark o Import Commodity Clearance (ICC) Sticker na siyang nagpapatunay ligtas gamitin ang produkto.
Samantala, siniyasat din ng PMET ang mga talyer na nagbibigay ng serbisyo sa mga kagamitan o sasakyan kung may mga valid accreditation certificate ang mga tanggapan mula sa DTI. (DN/PIA-Mimaropa/OrMin/DTI-OrMin)
Larawan sa itaas: DTI Oriental Mindoro