Egg incubator, ipinagkaloob ng DA sa mga magsasaka ng Magsaysay

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Ipinagkaloob kamakailan ng Department of Agriculture Mimaropa ang isang egg incubator sa samahan ng Organicong Mindoreños (OM) ng barangay Poblacion, bayan ng Magsaysay.

Ang nasabing egg incubator ay inaasahang makatutulong upang mapabilis ang pagdami ng mga inaalagaang manok at itik ng nabanggit na samahan. Aabot sa 880 itlog ang kaya nitong limliman o i-incubate at may tamang temperatura upang makabuo ng sisiw.

Ayon kay Roxanne Yadao ng Agricultural Program Coordination Office (APCO), ang nasabing equipment ay karagdagang hiling ng samahan, matapos itong mapagkalooban ng 60 manok noong 2022.  Maaari din aniyang ialok o iparenta sa ibang samahan o indibidwal ang paggamit ng incubator para sa karagdagang kita ng OM.

Nilinaw din ni Yadao na mga samahan, organisasyon, at kooperatiba ng mga magsasaka ang benepisyaryo ng mga ganitong kagamitan at iba pang uri ng ayuda. Kailangan lang makipag-ugnayan ng mga ito sa kanilang tanggapan o sa Municipal Agriculturist Office ng kanilang bayan kung nais ding makatanggap ng tulong mula sa DA.

Samantala, pinasalamatan naman ni Magsaysay Mayor Cesar Tria ang Kagawaran sa patuloy na pagsuporta sa mga magsasaka ng kanilang bayan. Aniya, tumanggap ang kanilang bayan ng mga pasilidad, iba’t-ibang programa sa imprastraktura, mga pagsasanay, binhi, alagaing hayop at iba pa. “Dito sa aming bayan, sa tulong ng Department of Agriculture, ay nabibigyan namin ng pagkakataon ang aming mga magsasaka na kumita at umunlad,” saad ni Tria. Dagdag pa ng Punongbayan, ang mga ipinagkakaloob na tulong ng DA ay tugma sa layon ng kanyang administrasyon na bigyang-prayoridad ang mga programa para sa mga magsasaka at mangingisda ng Magsaysay. (VND/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content