LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Bahagya nang bumabawi ang ekonomiya ng turismo sa buong rehiyon ng MIMAROPA mula ng pandemya noong 2020, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas noong Martes, Hunyo 9, sinabi ni DOT MIMAROPA Regional Director Roberto P. Alabado III na bagamat hindi pa bumabalik sa normal ang pagtaas ng ekonomiya ng turismo, may pagbabago naman ito sa pagbaba ng ekonomiya noong nagsimula ang pandemya.
“Unti-unti nang bumabawi ang ekonomiya ng rehiyong MIMAROPA matapos ang pandemya, pati ang pagbabalik ng mga parokyanong turista. Ngunit hindi pa rin ito normal tulad ng inaasahan. Mayroon pa rin abnormalities gaya ng pag-iwas nila sa maraming tao kaya pabago-bago pa rin ang kanilang pag-uugali,” ayon kay Alabado.
Dahil dito, isinulong ng DOT ang “digitalization” upang makatulong sa mga mamumuhunan na mapataas ang antas ng kanilang mga negosyo at mapabilis ang kanilang pag-unlad sa pamamagitan ng paglikha ng website sa internet.
Ayon kay Alabado, ang paglikha ng website ang makakaakit umano ng mga turista sa paghahanap ng mga hotels, resorts, restaurants, pati na rin ang mga leisure activities.
Ayon sa datos ng DOT, noong taong 2022 ay umabot sa 1,160,986 ang bilang ng mga turistang bumisita sa rehiyon na kinabibilangan ng mga domestic at international tourists. Noong taong 2023 naman ay tumaas ito sa 2,317,569.
Iniulat din ng DOT na mula buwan ng Enero hanggang Hulyo 2024 ay nakapagtala na ng 1,364,818 tourist arrivals ang rehiyon ng MIMAROPA.
Inaasahan ng DOT na ang datos sa unang kalahati ng taon ay madodoble o higit pa at malalampasan ang mahigit dalawang milyong bilang noong nakaraang taon. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)