NAMAMAWIS ka na ba sa inyong electric bill? Alam mo ba na maaaring labanan ang init ng panahon nang hindi nabubutas ang inyong bulsa?
Sa matinding init ng tag-araw sa Pilipinas, kung kailan tumataas ang singil sa kuryente kasabay ng temperatura, nagbahagi ang Meralco Power Lab ng mahahalagang kaalaman tungkol sa pagbabawas ng gastos sa kuryente nang hindi kinokompromiso ang ginhawa.
Sa ginanap na pagtitipon ng Association of Information Officers in Metro Manila (AIMM) noong ika-22 ng Marso sa Meralco Head Office, ang mga eksperto sa enerhiya ay nagbigay-liwanag sa mga praktikal na paraan upang mapanatiling malamig ang mga tahanan at punô ang mga bulsa.

“Kapag energy efficient na ang lahat magkakaroon tayo ng reserved na power para maiwasan ang mga brownout, siyempre gusto ni Meralco na suportahan ang ating sustainable way of living,” paalala ni John Pochollo Pabillona ng Meralco Powerlab sa mga information officers ng AIMM, sa layuning tulungan ang kanilang mga nasasakupan upang maging wais sa paggamit ng enerhiya para hindi mabutas ang kanilang bulsa.
Tuwing tag-init madalas sumasabay ang init ng ulo sa bill at natural na dumedepende ang mga tao sa mga cooling appliances gaya ng aircon, electric fan, at refrigerator–mga pangunahing sanhi ng mataas na bill sa kuryente sa mga tahanan.
Pero, ayon sa Meralco, maaaring makatipid ng hanggang 71% sa konsumo ng aircon kapag ang temperatura nito ay nasa 18-25°C, presko na tipid pa. “Kapag mayroon tayong aircon na naka-25°C pwede siyang itandem sa electric fan para mas mapabilis ang pag-circulate ng hangin,” sabi ni Pabillona.
Nagbigay din si Pabillona ng gabay sa tamang “horsepower” (HP) ng isang air conditioning unit, alinsunod sa sukat ng isang erya, upang matiyak na epektibo at matipid ang paggamit nito, ayon sa kanya:
• 1 HP para sa 18-22 sqm na silid. Ito ay itinuturing na maliit hanggang katamtaman na sukat ng kwarto, na katulad sa mga condominium unit, na kayang lagyan ng isang kama, isang upuan, at isang lamesa o workspace para sa isang katao hanggang dalawa.
• 1.5 HP para sa 23-37 sqm na silid. Ang kwarto ay kasing-laki ng isang “studio apartment” na maaaring lagyan ng pangdalawahang lamesa at isang malaking kama.
• 2 HP para sa 28-40 sqm na silid. Ang laki ay gaya ng isang apartment na maaaring lagyan ng malaking kama, malaking lamesa at mga upuan.
“Mas makatitipid ka pa kasi mas mapabibilis ang pagpapalamig niya [kwarto o silid] by around 12%… Marami nang nag-test even abroad [at] effective talaga ang tip na ‘yan,” dagdag pa niya.
Sa isinagawang simulation at testing ng Meralco, kapag siksikan ang laman ng refrigerator ay mas malakas itong humihigop ng kuryente dahil nahihirapang umikot ang malamig na hangin, at kung hindi naman puno ang refrigerator.
Payo ni Pabillona, ‘wag itodo ang setting sa pinakamalamig dahil maaari kang makatipid ng hanggang 49% sa konsumo ng kuryente. “Kapag ang refrigerator mo ay may leak, ay maaari kang makadanas ng karagdagang 497-500 pesos kada buwan, kasi ang nangyayari ay iyong mainit na hangin sa kwarto ay pumapasok sa loob ng refrigerator doon sa mga leaks (ng rubber gasket).”
Mahalagang makita kung may butas na ang rubber gasket ng refrigerator, kaya naman upang malaman ito maglagay lamang ng bond paper sa pagitan nang pagsaraan, at kapag nalaglag ito ay nangangahulugang may leak na ito.
Sa tamang kaalaman at mga simpleng hakbang, hindi lang bahay ang may liwanag kundi pati bulsa ay magaan. (JCO/PIA-NCR)