LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Mar. 3 (PIA) – “Mahalaga sa ngayon ay malaman natin ang lawak ng pinsala ng oil spill. Pangalawa, paigtingin ang paglilinis sa karagatan upang maiwasan itong makarating sa baybayin at hindi na makaapekto pa sa kalikasan sa karagatan gayundin sa hanap-buhay ng mga naninirahan malapit dito.”
Ito ang mariing pahayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary, Ma. Antonia Yulo-Loyzaga sa isinagawang press conference sa Incident Command Post sa Brgy. Estrella Najuan ngayong umaga matapos ang insidente sa paglubog ng Motor Tanker (M/T) Princess Empress sa bayabyin ng Naujan noong Pebrero 28.
Dahil dito, agad binuo ng DENR ang ‘Task Force Naujan Oil Spill’ na kinabibilangan ng nasabing ahensiya kasama ang Naujan LGU, Pamahalaang Panlalawigan, Philippine Coast Guard (PCG), Environmental Management Bureau (EMB) at iba pang konsernadong ahensiya ng pamahalaan.
Inatasan ng kagawaran ang PCG, partikular ang kanilang Marine Environmental Protection Command na siyang tutugon sa mga operasyon sa lugar na naapektuhan ng oil spill.
Samantala, iniulat ni Coast Guard Station Calapan Commander Ferdinand Allan Joseph Abinoja na, namonitor ng kanyang mga tauahan ang lugar na kung saan unang namataan ang tumagas na langis na ang ibig sabihin ay possible sa lugar na iyon naroon ang barko ngunit ito ay lumayo pa ito ng isang milya sa dagat. Ibig sabihin maari itong gumalaw sa ilalim ng dagat kaya sa pangyayaring ito ay hihingi sila ng tulong sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) para matukoy ang kasalukuyan at eksaktong lugar ng lumubog na barko.
Sa kasalukuyan, umabot na ang pinsala ng langis sa mga baybayin ng Bansud patungong Mansalay at maari pang marating ang timog bahagi ng Bulalacao kaya hiling din ng kalihim sa mga LGU ay gumawa ng paraan para makatulong sa mga oil spill boom tulad ng pagtatali ng mga dayami at mga bunot ng niyog upang mapigilian ang pagkalat sa karagatan.
“Dahil sa pangyayaring ito, malaki ang epekto nito sa mga laman dagat, isda, kabuhayan ng mga mangingisda, turismo at higit sa lahat, sa kalusugan. Kaya dapat tayong magtulong-tulong para hindi na umabot pa sa ibang lalawigan at makapinsala pa sa mga yaman ng ating karagatan,” pagtatapos na mensahe ni Loyzaga. (DN/PIA-OrMin)
Sinagot ni DENR Sec. Antonia Loyzaga (nakasuot ng itim na damit) ang tanong ng mga mamamahayag at ilang kawani ng pamahalaan matapos ang isinagawang press conference sa Incident Command Post sa Brgy. Estrella Naujan kamakailan. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)