LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Ang estabilisadong presyo ng krudo at gasoline ang pangunahing nag-ambag sa patuloy na pagbaba ng inflation sa lalawigan ng Palawan maging sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ang headline inflation o ang paggalaw ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa lalawigan ng Palawan para sa buwan ng Mayo 2023 ay bumagal sa antas na 6.5% nitong Mayo mula sa 6.9% noong Abril 2023.
Samantalang sa Puerto Princesa naman bumagal ito sa antas na 4.2% nitong Mayo mula sa 4.6% noong buwan ng abril 2023.
Sa ulat ni Philippine Statistics Authority Provincial Statistical Office Chief Statistical Specialist Maria Lalaine M. Rodriguez noong Hunyo 20, 2023 sa pamamagitan ng press conference, sinabi niya na ang commodity group na transport kung saan nakapaloob ang fuel at lubricants, partikular na ang gasolina at krudo ang nag-ambag sa mas mababang inflation ng Palawan at Puerto Princesa sa buwan ng Mayo 2023.
“Ang component ng ating transport group na nagpakita ng mabagal na pagtaas ng presyo ng bilihin ay kasama doon ang fuel and lubricants particularly ang gasoline and diesel. Hindi ito masyadong tumataas, kung tumaas man ay bigla itong bababa. Ginagawa natin ang monitoring nito on a weekly basis,” pahayag ni Rodriguez.
Ang mga pangunahing nag-ambag sa pagbaba ng inflation ng commodity group na transport ay ang fuel and lubricants for personal transport and equipment, gaya ng gasoline at krudo; ang passenger transport by sea and inland water ways o ang pamasahe sa barko at ang passenger transport by air o ang pamasahe sa eroplano.
Ang mga bayan ng Brooke’s Point, Quezon, Narra at Roxas sample municipalities at ang dalawang malalaking establishyemento sa lungsod ng Puerto Princesa naman ang sample outlets ng PSA-Palawan para sa pagtaya ng antas ng inflation kada buwan.
Ayon kay Rodriquez, ang mga munisipyong nabanggit ay nagrerepresenta na ng lahat ng ‘tabuan’ o pampublikong pamilihan sa Palawan na accessible sa lahat ng mga karatig bayan o lugar nito. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)
Si PSA Chief Statistical Specialist Maria Lalaine M. Rodriguez habang nag-uulat ng antas ng inflation ng Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)