LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nagsagawa ang Department of Agriculture-Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Project Support Office (PSO) South Luzon at Regional Project Coordination Office (RPCO) ng Rapid Appraisal of Emerging Benefits (RAEB) sa Oriental Mindoro Calamansi Processing and Marketing enterprise. Isinagawa ang naturang pagtatasa sa mga miyembro ng Matulatula Agrarian Reform Community Cooperative (MARCCO) sa bayan ng Pola.
Ang RAEB ay isang mekanismo ng kagawaran upang alamin kung naging matagumpay ang mga proyektong inilalapat sa mga mamamayan na napapailalim sa PRDP Project Development Objectives. Inaalam din sa naturang gawain ang ilan sa mga kinakaharap na problema ng mga samahan na maaaring bigyan ng solusyon sa hinaharap.
Ginagabayan din sa naturang gawain ang mga miyembro hinggil sa mga hakbang o mga kinakailangang gawin upang higit na maging matagumpay sa hinaharap ang kanilang mga napiling kabuhayan.
Ang tagumpay ng RAEB ay nakasalalay sa personal na panayam ng mga kawani ng DA-PRDP Project Support Office sa mga lider ng asosasyon, gayundin, sa mga miyembro at iba pang mga stakeholders na tumutulong sa samahan.
Samantala, matatandaan na ang naturang calamansi processing at marketing enterprise ay nagkakahalaga ng P13.7M. Ginamit ang naturang pondo sa konstruksyon ng processing facility, pagbili ng mga kagamitan, at delivery van. Nagmula ang 60% ng pondo mula sa World Bank, samantala 20% naman sa Kagawaran; at 20% din ang nagmula naman sa Lokal na Pamahalaan.
Sinimulan ng MARCCO ang operasyon sa naturang subproject noong 2020 kung saan nagpoprodyus ang mga ito ng mga calamansi at dalandan ready-to-drink juices na ipinagbibili sa loob at labas ng probinsya. (JJGS/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)
Larawan sa pinakataas na bahagi mula sa DA-PRDP Page
Personal na inalam ng mga kawani ng DA-PRDP Project Support Office South Luzon at Regional Project Coordination Office (RPCO) ang mga naging adbentahe ng inilapat na proyekto ng Kagawaran ng Pagsasaka sa samahan ng MARCCO, gayundin, ang mga kinakaharap na isyu upang bigyang solusyon sa hinaharap. (Larawan mula sa DA-PRDP)