LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Magiging malaking tulong sa mga magsasaka ng Brgy. Tagumpay, Naujan, Oriental Mindoro ang 442 linear Farm-to-Market Road na itinayo ng Oriental Mindoro District Engineering Office (DEO) ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Tinatayang nasa P9.7 milyon ang halaga ng naturang proyekto, kung saan sa pamamagitan nito ay mabilis na mailalabas ng mga magsasaka sa lugar ang kanilang mga kalakal sa merkado.
Layunin din ng proyekto na maipadama sa mga ordinaryong mamamayan ang kahalagahan ng mga ito sa pag-inog ng ekonomiya ng bansa.
Binibigyang pagkakataon din ng proyekto na mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka sa transportasyon na isa sa mga nagiging dahilan kung bakit humihina ang kita ng mga ito.
Bukod naman sa mas mabilis na paglalabas ng produkto ng mga magsasaka, mas nagiging maginhawa ang paglalakbay ng mga motorista o di kaya ng mga turista na nagnanais pumunta sa mga tourist attraction na nasasakop ng naturang proyekto.
Inaasahan na malawak ang magiging epekto ng proyektong ito sa kabuhayan ng mga mamamayan sa mga nasa nayon mula sa pagkakaroon ng dagdag empleyo sa mga ito hanggang sa pagkakaroon ng maginhawang biyahe ng mga manlalakbay. (JJGS/PIA MIMAROPA)

Inaasahan na magiging malaking tulong ang Farm-to-Market Road sa mga magsasaka ng Brgy. Santiago, Naujan, Oriental Mindoro. Gayundin, aambag ito sa turismo ng naturang lugar na magbibigay dagdag empleyo sa mga residente.