IBA, Zambales (PIA) — Sumailalim sa dalawang araw na pagsasanay ang 35 miyembro ng San Felipe Livestock Farmers Association (SALOFA) sa Formulation of Policy, System and Procedures on the Operation and Management of Delivery Vehicle.
Ito ay sa ilalim ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Ayon kay DAR Zambales Provincial Agrarian Reform Program Officer II Emmanuel Aguinaldo, layunin ng PAHP na makamit ang food security, mabawasan ang kahirapan at maibsan ang kagutuman pagsapit ng taong 2030.
Kaugnay nito, ang naturang proyekto ay malaking tulong sa mga magsasaka na makamit ang kanilang layunin na mapabuti ang produktibidad at madagdagan ang kita.
Samantala. nagkaroon ng paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DAR at pamahalaang bayan ng San Felipe nitong Hunyo 2023.
Sa ilalim ng MOA, ang mga bigas ng SALOFA ay idedeliver sa pamahalaang bayan ng San Felipe bilang institutional buyer.
Bukod pa rito ay bibigyan din ng DAR ang farmer association ng dalawang kolong-kolong upang makatulong sa kanilang marketing efforts. (CLJD/RGP-PIA 3)
May 35 miyembro ng San Felipe Livestock Farmers Association ang sumailalim sa Formulation of Policy, System and Procedures on the Operation and Management training na inorganisa ng Department of Agrarian Reform.(DAR Zambales)