Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga proyekto para sa kabataan sa gitna ng pandemya, kaloob ng SK San Andres

Mga proyekto para sa kabataan sa gitna ng pandemya, kaloob ng SK San Andres

Ibinahagi ni SK Federation President Arlyn Joy Bolon ang mga proyekto ng Sangguniang Kabataan ng San Andres sa programang Laging Handa Briefing News.

ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Upang makatulong sa mga naapektuhan ng pandemya ng Covid-19 sa bayan ng San Andres, Romblon, naglunsad ang Federation ng Sangguniang Kabataan ng San Andres ng iba't ibang programa para sa mga kabataan sa lugar.

Ibinahagi ni San Andres SK Federation President Arlyn Joy Bolon ang mga ito sa programang Laging Handa Briefing News.

Aniya, ilan rito ay ang "Home In A Box" at "Covid19 ay Labanan sapat na Nutrisyon ay kailangan" kung saan namigay sila ng mga school materials para sa mga mag-aaral na kapos sa buhay at libreng feeding program sa mga bata.

Namahagi rin ang SK Federation ng load assistance sa mga Senior High School at College students ng bayan upang makatulong sa kanilang pag-aaral ngayong nasa karamihan sa mga paaralan ay nasa online dahil sa banta ng virus.

Sa hiwalay na panayam ng PIA-Romblon kay Bolon, sinabi nito na aabot sa 52 na estudyante na nasa kolehiyo at 32 mula sa senior high school ang kanilang nabigyan ng load allowance noong Disyembre ng nakaraang taon

"Priority po talaga namin itong mga College at Senior High School students kasi po sila yung madalas na may online classes habang modular naman karamihan sa Elementary at Junior High School," pahayag ni Bolon sa PIA-Romblon.

May programa rin silang "Binhi para sa Kabuhi", kung saan may isang ektarya silang lupain na tinaniman ng mga gulay at ang kikitain rito ay ipapambili nila ng tsinelas para sa mga batang walang tsinelas sa kanilang bayan.

Ngayong taon, inilunsad rin ng SK Federation ng San Andres ang 'Tsinelas Sa Pangarap' kung saan aabot na sa 105 na mga bata ang ang nabigyan nila ng tsinelas sa mga barangay ng Marisur at Victoria.

"Noong nagbibigay kami ng mga school materials, napansin namin na maraming bata ang sira-sira ang tsinelas kaya napansin ko na, siguro dapat namin itong tulungan," dagdag pa ni Bolon.

Hinikayat rin nito ang mga kabataan na makiisa sa mga programa ng gobyerno lalo pa ngayong may kinakaharap na pandemya ang bansa. (PJF/PIA Mimaropa)

About the Author

Paul Jaysent Fos

Writer

Region 4B

Information Center Manager of Philippine Information Agency - Romblon

Feedback / Comment

Get in touch